Dengue Larawan mula sa CDC

Kaso ng dengue sa QC nananatiling lampas sa epidemic threshold

Cory Martinez Dec 9, 2025
251 Views

NANANATILING lampas sa epidemic threshold ang naitalang kaso ng dengue sa lungsod ng Quezon, kung saan umaabot sa 24 na kaso ang naitatala kada araw.

Sa inilabas na Dengue Surveillance update ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division ng City Health Department, nakapagtala ang lungsod ng 648 kaso ng dengue mula Nobyembre 17 hanggang Disyembre 4, 2025.

Sa naturang period, apat ang naitalang namatay sa dengue, kabilang dito ang tatlong lalaki at isang babae na may edad sa pagitan ng 5 at 21 taong gulang.

Batay sa record, tatlo dito ang nagpakita ng warning sign o sintomas ng dengue nang maiulat ang kanilang kaso, samantalang ang isa ay kinokonsiderang severe dengue.

Sa isinagawang laboratory test, nakumpirma na ang tatlo sa mga namatay ay NS1-positive case, samantalang ang isang pasyente ay positibo sa IgM antibodies. Nagpakonsulta ang mga naturang pasyente tatlong araw matapos lumabas ang mga sintomas ng dengue fever.

Batay pa sa dengue update, sa loob ng apat na linggo, mayroong 368 kaso ng dengue na ang pasyente ay mga lalaki samantalang ang 280 kaso ay mga babae.

Sa mga naturang kaso, kalahati dito o 50 porsiyento ay mga school-aged na mga bata na may edad sa pagitan ng 5 hanggang 17 taong gulang.

Sa mga naiulat na kaso, ang 326 na kaso ay na-classify na dengue with warning sign, 305 kaso ay dengue without warning sign, samantalang ang 12 kaso ay severe dengue.

Sa mahigit na isang-daang barangay sa lungsod, naitala sa mga barangay ng Payatas, Batasan Hills at Commonwealth ang mataas na kaso ng dengue.

Batay sa report, nakapagtala ng 57 na kaso sa Payatas, 48 naman sa Batasan Hills at 39 sa Commonwealth.

Sa bahagi ng Disease Reporting Unit, naitala naman ang may pinakamaraming kaso sa Rosario Maclang Bautista General Hospital na may 135 na kaso, National Children’s Hospital na may 83 na kaso at QC General Hospital na may 57 na kaso.

Samantala, pinayuhan ng city health department ang mga residente na magpakonsulta agad kapag nakaramdam pa lamang ng unang senyales ng lagnat o ibang sintomas ng dengue upang maagapan ang sakit.