Calendar
Mas maigting na tugon ng gov’t vs TB panawagan ni Hontiveros
HINIMOK ni Senadora Risa Hontiveros ang mas maigting na tugon ng pamahalaan laban sa tuberculosis (TB), kasabay ng babala na nananatili ang Pilipinas sa limang bansang may pinakamalaking bilang ng TB cases sa buong mundo.
Kasama si Senador Jinggoy Estrada, naghain si Hontiveros ng panukalang batas sa Senado upang amyendahan ang Republic Act No. 10767 o Comprehensive TB Elimination Plan Act na ipinatupad noong 2016.
“Halos isang dekada na ang nakalipas mula nang i-implement ang RA 10767, pero nasa top five pa rin tayo sa high-burden TB countries,” ani Hontiveros. Aniya, mahigit anim na porsyento ng global TB cases ay nagmumula sa Pilipinas.
Sa kabila ng umiiral na batas at mga programa, patuloy ang mataas na insidente ng TB sa bansa, lalo na sa mga maralitang lugar na kulang sa access sa gamot at serbisyong medikal. Babala pa ng senadora, dumarami rin ang kaso ng multidrug-resistant TB at marami sa mga pasyente ang hindi naaabot ng gamutan.
Iginiit ni Hontiveros na dapat palawakin ang kakayahan ng mga pampublikong ospital at lokal na health centers para sa mas maagang pagsusuri, libreng gamot, at kampanyang pangkomunidad para labanan ang TB.
“Pangarap natin ang isang TB-free generation—zero deaths, zero disease, zero suffering,” ani niya. “Kailangan natin ng integrated at patient-centered care; matitibay na polisiya; at tuluy-tuloy na pananaliksik at inobasyon.”
Layon ng panukalang amyenda na paghusayin ang pag-monitor ng sakit, palakasin ang koordinasyon sa pagitan ng gobyerno at mga non-government organizations, at itaguyod ang mga hakbang na makakapigil sa pagkalat ng TB.
Si Hontiveros ang chairperson ng Senate Committee on Health and Demography. Nakatakdang talakayin ang panukala sa mga pagdinig ng Senado sa susunod na taon.
Ang TB ay nananatiling isa sa mga pangunahing sakit na nakamamatay sa bansa, lalo na sa mga mahihirap, kulang sa nutrisyon, at may mahinang resistensiya. Ayon sa mga eksperto, madalas na nauugnay ang paglaganap ng TB sa siksikang pabahay, kakulangan sa serbisyong medikal, at hindi pantay na akses sa kalusugan.

