PNP Isinumute ng negosyanteng si Atong ang ang kanyang sinumpaang salaysay sa DOJ sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Gabriel Villarreal. Screen grab from FB post

Kaso ng nawawalang sabungero ibalik sa PNP-CIDG–Atong Ang

Zaida Delos Reyes Oct 18, 2025
241 Views

HINILING ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang sa Department of Justice o DOJ na ibalik sa Philippine National Police-Crime Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang imbestigasyon kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero upang maisagawa ang maayos, malalim at patas na imbestigasyon.

Ito ang argument ni Ang sa kanyang sinumpaang salaysay na isinumite sa DOJ sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Gabriel Villarreal.

Paliwanag ni Villareal, tanging ang kapani-paniwalang re-investigation ng pulisya ang makapagtitiyak ng matibay na case build-up ng DOJ panel na magiging katanggap-tanggap sa lahat ng panig.

Kasama ang kanyang mga abogado, personal na nagtungo si Ang sa DOJ upang isumite ang kanyang counter-affidavit bilang tugon sa mga paratang na ibinato laban sa kanya ng umano’y whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan.

Giit ni Villarreal, walang kinalaman si Ang sa mga ibinibintang ni Patidongan na ang tunay na utak sa karumal-dumal na krimen.

Tahimik na nakapasok si Ang sa gusali ng DOJ nang hindi napansin ng mga mamamahayag. Ayon sa kanyang abogado, nais ng kanyang kliyente na dumaan sa proseso ng batas nang walang ingay o palabas.

“Mr. Ang is here not only to submit himself to the legal processes but to dispel malicious rumor that he already left the country,” ani Villarreal.