BBM

Kauna-unahang housing expo ng inisyatibo ng gobyerno bukas na

Jun I Legaspi Oct 23, 2025
367 Views

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes ang pagbubukas ng kauna-unahang housing expo na inisyatibo ng pamahalaan sa ilalim ng kanyang administrasyon, na ginanap sa World Trade Center—na dinaluhan ng mga pangunahing pribadong developer sa bansa at libu-libong Pilipinong nagnanais magkaroon ng sariling tahanan.

Ang National Housing Expo 2025, na inorganisa ng Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund—isang attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD)—ay kabilang sa mga tampok na aktibidad ngayong taon para sa pagdiriwang ng National Shelter Month na pinangungunahan ng DHSUD.

“Bahagi rin ito ng pagtutulak ni Pangulong Marcos Jr. para sa ligtas, disente, at may dignidad na pabahay mula sa pamahalaan sa ilalim ng flagship program na Expanded 4PH,” ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling.

Layunin ng expo na higit pang pasiglahin ang pagpapatupad ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program sa buong bansa, upang mas maraming pamilyang Pilipino ang makinabang.

Pinangunahan ng Pangulo ang seremonyal na paggawad ng mga Certificate of Entitlement (COE) at mga titulo sa mga benepisyaryo ng iba’t ibang programa sa pabahay ng pamahalaan gaya ng rental housing, Enhanced Community Mortgage Program, mga pautang ng Pag-IBIG sa ilalim ng subsidized rates ng Expanded 4PH, at mga benepisyaryo ng Presidential Proclamations—na isa sa mga tampok ng naturang kaganapan.

Mahigit 50 kilalang pribadong developer sa bansa ang lumahok sa dalawang araw na expo—ipinamalas nila ang kani-kanilang mga proyekto sa pabahay, at ang ilan ay nagtayo pa ng mga mock-up model units sa loob ng trade center upang makahikayat ng mga mamimili.

Ipinakita sa expo ang lahat ng modalidad sa ilalim ng Expanded 4PH. Tampok dito ang mga modelo ng National Housing Authority para sa rental housing; ang Enhanced Community Mortgage Program ng Social Housing Finance Corporation; at ang online housing fair ng National Home Mortgage Finance Corporation.

Ayon sa Pag-IBIG Fund, tinatayang nasa 30,000 potensyal na homebuyers ang inaasahang dadalo sa National Housing Expo 2025 batay sa online registration. Mahigit 100,000 bagong bahay mula sa 50 lumahok na developer ang inilagay sa bentahan sa pamamagitan ng Pag-IBIG Housing Loan, habang mahigit 30,000 Pag-IBIG Acquired Assets ang inialok na may diskwentong hanggang 40 porsyento.

“Ang National Housing Expo ay isang makasaysayang inisyatiba na nagbubuklod sa buong sektor ng pabahay—pamahalaan man o pribadong institusyon—bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking may abot-kaya at disenteng tirahan ang bawat pamilyang Pilipino,” ani DHSUD Secretary at Pag-IBIG Fund Chairman Jose Ramon P. Aliling.

“Bilang bahagi ng aming mga aktibidad para sa National Shelter Month ngayong Oktubre, nagsasagawa rin kami ng mga regional housing fair sa Cagayan de Oro, Cebu, Iloilo, Pampanga, Bacolod, Batangas, at General Santos. Ang mga kaganapang ito, kasama ng Expo sa Metro Manila, ay bahagi ng aming pambansang kampanya upang mailapit ang Expanded 4PH Program sa mga pamilyang Pilipino saan mang panig ng bansa,” dagdag pa niya.

Sa Expo, maaaring makita ng mga bisita ang mga exhibit ng mga proyektong pabahay sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan. Isa sa mga tampok ng Expo ay ang on-the-spot assessment para sa Pag-IBIG Housing Loan entitlement batay sa kita ng mga potensyal na homebuyer, upang agad nilang malaman kung anong mga property ang abot-kaya sa ilalim ng mga loan program ng ahensya. Nagbigay rin ng direktang tulong ang Pag-IBIG Fund at nagsagawa ng mga learning session sa loob ng dalawang araw na aktibidad.

“Isa na naman po itong inobasyon sa industriya ng pabahay—sanib-puwersa ang pamahalaan at pribadong sektor sa pagsusulong ng hangarin ni Pangulong Marcos Jr. para sa ligtas, disente, abot-kaya, at may dignidad na pabahay para sa pamilyang Pilipino,” ani Secretary Aliling.