Jeep

Kelot binaril sa loob ng jeep, sugatan pati 2 paslit na anak

Edd Reyes Aug 1, 2026
36 Views

SUGATAN ang 29-anyos na ama at dalawa niyang paslit na mga anak nang ratratin sa loob ng pampasaherong jeep ng dalawang armadong suspek Biyernes ng hapon sa Malabon City.

Naisugod naman kaagad sa Ospital ng Malabon ang mga biktimang si alyas “Kime” na nagtamo ng tama ng bala sa kanang hita pati na ang tatlong taong gulang niyang anak na lalaki na tinamaan sa kaliwang hita at 10-buwang sanggol na lalaki na nahagip din ng bala sa kanang paa.

Matapos malapatan ng kaukulang lunas, inilipat ang tatlo sa Tondo Medical Center para sa mas masusing gamutan. Sa huling ulat, nasa mabuti ng kalagayan ang mga biktima.

Sa nakarating na ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, sumakay ang mag-aama sa pampublikong jeepney sa Hulong Duhat dakong alas-4:40 ng hapon at nang tumatahak na sa kahabaan ng C. Arellano St. hinarang sila ng kulay maroon na Toyota Vios na walang plate number.

Bumaba ang dalawang sakay na ang isa ay nakasuot ng itim na jacket, maong na pantalon, puting cap at face mask habang berdeng t-shirt, jersey na short ang face mask naman ang isa bago pinagbabaril ang biktima na dahilan para mahagip din ng bala ang dalawa niyang anak.

Nagsasagwa na ng forward at backtracking sa kuha ng mga CCTV sa lugar ang pulisya upang makilala at matunton ang mga suspek habang hindi pa batid ang motibo sa pamamaril.