Konduktor

Konduktor natalo sa Scatter pero pinalabas na naholdap, huli

110 Views

ARESTADO ang konduktor ng bus ng nabisto na hindi totoong hinoldap at naipatalo lang sa “Scatter” ang P17,000 remittance ng kanilang kumpanya sa Quezon City.

Kinilala ang suspek sa alyas na Arnel, na dinakip ng mga tauhan ng La Loma Police Station (PS-1).

Sa ulat, lumapit ang suspek sa mga pulis sa EDSA, Balintawak at sinabi na hinoldap umano siya ng isang lalaking nagpakilalang pulis.

Agad na nagsagawa ng beripikasyon ang mga awtoridad ngunit walang nakitang ebidensiya na nagpapatunay sa kanyang alegasyon.

Pinayuhan ng mga pulis ang suspek na ipaalam sa kanyang kumpanya ang insidente.

Nang dumating ang kinatawan ng kumpanya, inamin ng konduktor na hindi siya naholdap at natalo sa “Scatter” ang remittance.

Kinumpirma rin ng isinagawang imbentaryo ng kumpanya ang pagkawala ng naturang halaga.

Inaresto ng mga pulis ang konduktor at narekober sa kanyang pag-iingat ang isang bundle ng mga tiket ng bus at driver’s license na gagamiting ebidensiya.

Lumitaw rin sa beripikasyon na dati na siyang naaresto dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 noong Enero 2022.

Nahaharap ang suspek sa kasong qualified theft at unjust vexation sa Quezon City Prosecutor’s Office.