Calendar
Moroccan hinoldap, 2 ‘kawatan’ pinosasan
DALAWA ang naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa pangho-holdap ng isang 26-anyos na Moroccan sa Quezon City at sapilitang kinuha ang iPhone 17 Pro Max at Samsung Galaxy A16 ng biktima noong Hulyo 19.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Har, 28; at Mog, 40.
Ayon sa pulisya, naganap ang panghoholdap sa White Plains Avenue, Brgy. Ugong Norte.
Nakilala ng biktima ang isa sa mga suspek kaya nagsagawa ng follow-up operation ang Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at Eastwood Police Station (PS-12).
Unang naaresto si alyas Har sa Sta. Ana, Manila at itinuro ang pinagtataguan ng kasabwat na si Mig sa Antipolo City kaya ito ang sumunod na natiklo.
Naibenta na umano sa isang alyas Bato ang ninakaw na iPhone 17 Pro Max at Samsung Galaxy A16 ng biktima.
Lumitaw sa police records na si alyas Mig ay dati nang naaresto sa ilang kaso ng theft at iba pang paglabag sa batas habang si Har ay may nauna ring kaso ng theft noong 2016.
Nahaharap na ang dalawang suspek sa kasong robbery with intimidation of persons sa Quezon City Prosecutor’s Office.

