Sabong

Sabungero talo ang pustang P300K, tumakas, arestado

Edd Reyes Jul 21, 2026
107 Views

KALABOSO ang inabot ng sabungero na nagtangkang hindi bayaran ang kanyang pusta sa sabungan sa Parañaque City.

Sa ulat ni Parañaque police chief P/Col. Nicolas Pinon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, suki na ang suspek na si alyas Rommie sa Roligon Mega Cockpit sa Quirino Avenue, Brgy. Tambo kaya pinayagan siya ng teller na tumaya ng walang inilalabas na puhunan.

Umabot sa kabuuang P300,000 ang naitaya ng suspek sa sabong noong Linggo pasado alas-9:00 ng gabi subalit nang matalo, tinangka niyang pumuslit palabas pero naharang siya ng teller.

Inamin ng alyas Rommie na wala siyang pambayad sa natalong pusta kaya’t humingi na ng tulong sa mga tauhan ng Tambo Police Sub-Station ang teller na nagresulta sa pagkakadakip.sa suspek.

Mahaharap sa kasong estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code ang suspek sa Office of the Prosecutor ng Parañaque.