Calendar

Kontrata ng 2collector ng basura sa Manila pwedeng i-expel na
NANGANGANIB na maagang mawakasan ang kontrata ng dalawang kompanyang humahakot ng basura sa Maynila na magtatagal pa sana hanggang sa katapusan ng taon dahil sa kabiguang mahakot sa tamang oras at lugar ang mga basura hindi lamang sa mga pangunahing lansangan, kundi maging sa secondary roads.
Matatandaan na una ng nagbanta si incoming Mayor Isko Moreno sa dalawang kompanya–ang Phil. Ecology Systems Corp. (PhilEco) at MetroWaste Solid Waste Management Corp.–na sa oras na hindi naging maayos ang koleksiyon ng basura sa lungsod mapipilitan siyang i-terminate ng maaga ang kanilang kontrata.
Binanggit pa ng alkalde na sa halip na gumamit ng mga trash compactors ang mga kompanya, dump truck na panghakot ng buhangin ang kanilang ginagamit na dahilan upang mabigong pasukin ang mga maliliit na lansangan sa Maynila.
“Napakalilit ng kalsada dito sa Maynila, papaano nila mapapasok ang mga iyon kung dump truck ang gamit nila?,” pahayag pa ni Yorme Isko.
Ilan lamang ang gamit na maliit na trash compactor ng mga kompanya kaya’t napipilitan ang mga residente sa looban na ilabas sa pangunahing lansangan ang kanilang basura na wala namang regular na oras kung maghakot.
Sa Hunyo 30 ng tanghali magsisimulang manungkulan si Yorme Isko bilang alkalde.
Pangunahing gagawin niya ang paglilinis ng mga lansangan at pagbabalik ng kaayusan at katahimikan.