P/Col. Randy Glenn Silvio P/Col. Randy Glenn Silvio

Kotse tinangay; babae, lalaki timbog

210 Views

TIKLO sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang lalaki at babae matapos tangayin at isangla ang Toyota Vios na kunwaring bibilhin.

Sa ulat kay QCPD acting director, P/Col. Randy Glenn Silvio, ipinagkatiwala ng biktima ang Vios kay alyas Ferdinand sa ilalim ng conditional sale agreement sa Mindanao Avenue, Rock Plaza, Brgy. Tandang Sora, Quezon City.

Pero nabigo ang suspek na bayaran ang kanyang obligasyon kaya inireport ng biktima sa District Anti-Carnapping Unit (DACU) sa ilalim ni P/Lt. Col. Hector Ortencio.

Kumilos ang mga operatiba ng DACU at nakita ang Toyota Vios na nakaparada sa harap ng bahay ni alyas Boyet sa San Antonio, Quezon.

Inamin naman ni Boyet sa mga awtoridad na isinangla sa kanya ni alyas Phia at Ferdinand ang sasakyan noong Hulyo 19, 2025.

Nang malaman na ninakaw ang sasakyan, nakipagtulungan si Boyet sa mga awtoridad at boluntaryong isinurender ang sasakyan.

Kasong paglabag sa RA 10883 (Bagong Anti-Carnapping Law of 2016) ang isinampa laban sa mga suspek.