Lapid

Lapid naghain ng 10 panukalang batas sa Senado para sa 20th na Kongreso

ISINUMITE ni Senador Manuel “Lito” Lapid ang kanyang sampung pangunahing panukalang batas para sa Ika-20 Kongreso, na may layuning palakasin ang mga serbisyo sa kalusugan, proteksyon sa media, digital na akses, pangangalaga sa kultura, at pampublikong kaligtasan. Ang mga panukalang ito ay bahagi ng kanyang adyenda upang mapabuti ang kapakanan ng publiko at mapalakas ang mga institusyon ng bansa.

Sa isang liham na ipinadala sa Legislative Bills and Index Service ng Senado, ipinaalam ni Lapid kay Service Chief Atty. Margarita R. Alias ang nilalaman ng kanyang mga panukala.

Isa sa mga ito ang Inang Matibay Act, na magbibigay ng 20% diskwento sa mga gastusin ng mga buntis gaya ng mga produkto at serbisyo. Maglalaan din ito ng insentibo sa mga stakeholder na makikilahok sa programa. Layunin naman ng National Film Archives of the Philippines Act na panatilihin at ingatan ang mga pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang pambansang archive na susuportahan ng pondo mula sa pamahalaan. Samantala, ang News Media Welfare Act ay naglalayong magbigay ng mas mataas na antas ng proteksyon, seguridad, at benepisyo para sa mga manggagawa sa larangan ng pamamahayag.

Bilang bahagi ng pagsuporta sa malikhaing industriya, naghain din si Lapid ng Philippine Film and Television Tourism Act, na magtatatag ng balangkas upang itaguyod ang Pilipinas bilang lokasyon ng mga dayuhang produksyong pangpelikula at telebisyon, sa tulong ng koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.Sa larangan ng digital na akses, isinusulong niya ang Free Access to Government Websites Act, na mag-uutos sa mga kumpanyang may prangkisang pangkomunikasyon na bigyan ng libreng akses ang publiko sa mga website ng pamahalaan. Katuwang nito ang Philippine Transportation Safety Board Act, na naglalayong lumikha ng isang independiyenteng ahensyang tututok sa mga isyu ng kaligtasan sa transportasyon at pagsusuri ng mga insidente.

Isinulong din niya ang Rights of Internally Displaced Persons Act, na magbibigay-proteksyon sa mga mamamayang sapilitang inilikas sa loob ng bansa, at magpapataw ng parusa sa mga nasa likod ng kanilang pagpapalayas.

Para naman sa usapin ng karapatang pantao, inihain niya ang National Preventive Mechanism (NPM) Act of 2025, bilang pagsunod sa mga internasyonal na kasunduan laban sa torture. Lilikha ito ng isang mekanismong lokal na magbabantay at mag-uulat sa mga paglabag.Sa sektor ng kalusugan, layunin ng One Electronic Medical Records Act na magtatag ng isang sentralisadong sistema para sa electronic medical records ng mga pampublikong ospital, sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health.

Sa usapin naman ng first aid at pang-emerhensiyang tugon, ipinapanukala ni Lapid ang Automatic Emergency Defibrillators in Public Places Act, na nag-aatas ng paglalagay ng automated external defibrillators (AEDs) sa mga pampublikong lugar at nagsusulong ng edukasyon para sa tamang paggamit nito.

Binigyang-diin ni Senador Lapid na ang mga panukalang ito ay bahagi ng kanyang pangakong “improve public welfare, protect vulnerable groups, support national heritage, and modernize government and health services.”

Sa kasalukuyan, ang mga panukalang batas ay isinasailalim sa unang pagbasa at irerefer sa mga kaukulang komite ng Senado para sa deliberasyon.