Vice

Leni, Vice Ganda, muling inilaglag si Kiko

Nelo Javier Apr 25, 2022
594 Views

DISMAYADO ang maraming pinklawan na dumalo sa birthday concert rally ni Leni Robredo nitong Sabado sa Pasay City matapos hayagan na naman nitong inilaglag ang kanyang orihinal na katambal na si Kiko Pangilinan sa harap ng libo-libong mga taga-suporta.

Lumutang ang personalidad na si Vice Ganda sa naturang okasyon pero kapansin-pansin na si Robredo lamang ang inendorso nito at hindi isinama si Pangilinan sa halos sampung minutong pagsasalita nito.

Maririnig pa nga ang sigaw ng ilang mga taga-suporta habang nagsasalita si Vice Ganda na “Isama si Kiko, Isama si Kiko.”

Pero sa halip binara ito ni Vice Ganda at sinabihan silang “Makinig lamang po tayong lahat….”

Nadismaya naman ang maraming mga supporter ng Dilawan dahil tila hinayaan lamang ni Robredo na ilaglag ang kanyang katambal.

“Nakakalungkot lamang na hinahayaan niya na ilaglag ang katambal niya na dapat ay siya mismo ang sumusuporta,” ayon sa isang dismayadong supporter.

“I was there at ilang rally na rin ang nadaluhan ko na palaging hindi kasama si Kiko sa iniendorso ng mga pulitiko at mga personalidad. HIndi tama yun dahil ang gusto namin ay tambalang Leni at Kiko. Dapat huwag pumayag si VP na ilaglag yung kapartner niya,” ayon pa sa isang dumalo sa rally.

Maging si Vice Ganda ay hindi nakaiwas sa mga banat ng mga taga-suporta.

“Marami ang nag-iintay sa endorsement niya last night. Iniwan niya si Kiko,” pahayag pa ng isang saksi.

Matatandaan na nakailang ulit nang binatikos sa social media ang paulit-ulit na pang-iiwan ni Robredo sa kanyang katambal dahil kadalasan ay ang kanyang kamay lamang ang itinataas at iniendorso ng ilang mga pulitiko at personalidad pero balewala ito kay Leni.

Dahil dito ay sinabihan si Leni ng maraming mga netizen na kayang sikmurain na ilaglag ang kakampi masunod lamang ang ambisyon na maging pangulo ng bansa.