Calendar
‘Level up’ Anilag fest nakatakda sa Marso 16-21
STA. CRUZ, Laguna–Ipagdiriwang sa taong ito ang Anilag festival sa Laguna na may temang “Anilag Festival Level Up 2026” sa Marso 16-21.
“Ang Anilag ay palaging tungkol sa ani; ang bunga ng ating pagsisikap, kultura, at pagkakaisa. Sa pamamagitan ng ‘Level Up,’ matitiyak nating alam ng bawat henerasyon ang pinagmulan at maabot ang kanilang hinaharap,” sabi ni Gob. Sol Aragones.
Para kay Aragones, tulay na nag-uugnay ang Anilag sa nakaraan at hinaharap ng Laguna.
Inilunsad ng gobernadora ang logo-making contest para sa Anilag Festival Level Up 2026 na may P20,000 na premyo sa grand winner at apat na consolation prizes.
Maagang sinimulan ang paghahanda ng provincial capitol ngayong taon para sa event.
Ipinahayag ng gobernadora na bagama’t mas maikli ang selebrasyon ngayong taon, mas magiging makulay, makahulugan at hindi malilimutan ang event na gaganapin sa Marso 16-21.
Nagsimula ang Anilag Festival noong 2004 bilang isang linggong pasasalamat sa masaganang ani ng lalawigan.
Pinagbuklod nito ang anim na lungsod at 24 na bayan ng Laguna sa isang selebrasyon ng pagkakaisa at kultura.

