EDSA

Libre, ligtas, maasahang Wi-Fi sa 17 EDSA Busway stations

Jun I Legaspi Jan 15, 2026
120 Views

LIBRE, ligtas at maaasahang internet access ang mayroon sa 17 EDSA Busway stations matapos ilunsad ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang DICT Free Wi-Fi for All Program sa Quezon Avenue station ng busway system.

Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, malaking tulong ang libreng mabilis na Wi-Fi dahil magagamit ito ng mga commuter para sa online government services, digital transactions, trabaho, real-time service updates at online learning habang nasa biyahe.

“Ang internet connection, ang Wi-Fi ay pwede na nating sabihin na basic necessity na rin siya sa atin ngayon.

Kaya kami ay lubos na nagpapasalamat sa DICT kasi binibigyan nila ng prayoridad ang free Wi-Fi program para sa ating mga kababayan,” ani Secretary Lopez.

Dagdag pa ng kalihim, ang libreng internet program ay kaakibat ng cashless payment system sa EDSA Busway dahil magagamit ng mga commuter ang QR code ng GCash at iba pang e-wallet nang hindi na kinakailangang gumamit ng sariling mobile data.

Samantala, sinabi ni DICT Secretary Henry Aguda na palalawakin pa ang libreng Wi-Fi program sa sektor ng pampublikong transportasyon, kabilang ang loob ng mga tren, Express o Skip Bus, at maging sa mga pantalan.

“Inuna na po namin ang launching ngayon para makagamit na kayo ng electronic payment. Pero ito ang good news: pag natapos na ang fiber connectivity by March, pwede na kayong manood ng Netflix,” sabi ni Secretary Aguda.

Ang libreng internet services ay naka-install na sa Balintawak, Kaingin, Fernando Poe Jr. (Roosevelt), North Avenue, PhilAm, Quezon Avenue, Kamuning, Nepa Q-Mart, Main Avenue, Buendia, Tramo, Taft Avenue, Roxas Boulevard, Ayala, SM North EDSA, SM Megamall (Ortigas), at SM Mall of Asia (MOA).

Kasama rin sa plano ang Monumento, Bagong Barrio, at Guadalupe stations, gayundin ang mga bagong istasyon sa Cubao, Magallanes at PITX matapos ang Station Rehabilitation Phase 1.

Upang matiyak ang seguridad, gumagamit ang DICT ng Domain Name System (DNS) security at binabantayan ng DICT Cybersecurity Team ang lahat ng traffic na gumagamit ng serbisyo.