Calendar
Sanggol na ibinebenta online ng sariling ina nasagip sa Pasig City
NASAGIP ng mga awtoridad ang isang taong gulang na batang babae na ibinebenta ng sariling ina sa social media sa halagang P8,000 sa Pasig City.
Ayon kay Police Brig. Gen. Wilson C. Asueta, acting director ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group, nakatanggap sila ng ulat tungkol sa batang babae na ibinebenta online.
Agad namang nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkaka-aresto ng 45-anyos na suspek at pagkakaligtas ng anak nito.
Ayon sa PNP, walang trabaho ang suspek kaya sinubukan nitong ibenta ang anak.
Napag-alaman na pito ang anak ng suspek at sinubukan na rin nitong ibenta ang iba pa nitong anak, subalit isa lamang ang naibenta habang ang iba ay nasa kustodiya na ng kanyang mga kaanak.
Ayon pa sa ulat, may kapansanan ang sanggol na ibinebenta at hinahanap na rin ng PNP ang ama ng biktima dahil posible umanong hindi nito alam ang gawain ng suspek.
Nagbabala naman ang PNP sa sinuman na magbebenta ng kanilang sariling anak na mananagot ang mga ito sa batas.

