Lisensya

Lisensya ng driver sa road rage binawi ng LTO

Jun I Legaspi Jul 28, 2025
236 Views

SA direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na papanagutin ang mga pasaway na motorista, sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO), ang lisensya ng SUV driver na sangkot sa viral na insidente ng pananagasa sa isang motorcycle rider.

Ayon kay Acting Assistant Secretary at LTO Chief Atty. Greg G. Pua, Jr., sinuspinde ng LTO ang lisensya ng SUV driver sa loob ng 90 araw at inatasan na rin itong isuko ang kanyang lisensya sa LTO bago o sa mismong Hulyo 30, batay sa nakasaad sa Show Cause Order (SCO) na inilabas laban sa kanya.

“Pareho nang naka-alerto ang lisensya ng driver at plaka ng sasakyan upang matigil ang anumang transaksyon habang isinasagawa ang imbestigasyon,” ani Pua.

Nag-ugat ang kaso sa isang video na kumalat sa social media, kung saan makikitang sinadya ng driver ng Changan SUV na sagasaan ang isang motorcycle rider sa gitna ng kanilang pagtatalo.

Bilang resulta, nakaladkad sa kalsada ang biktimang rider ng ilang metro.

Naaresto ang suspek ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos magpakilalang ahente ng NBI sa pangalang Paul John Jimenez.

Kalaunan, natukoy ang kanyang tunay na pagkakakilanlan bilang si Jay-ar Cabana.

Ayon sa NBI, nagpanggap ang suspek bilang ahente ng kanilang ahensya habang nagaganap ang insidente.

Sa inilabas na SCO, inatasan ni Pua ang driver na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat panagutin sa mga kasong may kaugnayan sa operating a motor vehicle with unauthorized accessories, reckless driving, at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle alinsunod sa Section 27 (a) ng R.A. 4136, kaugnay ng naturang insidente.