Batangas2

Lola swak sa selda dahil sa serye ng estafa

90 Views

Batangas3

KAMPO HENERAL MALVAR, Lungsod ng Batangas — Tapos na ang maliligayang araw ng isang 66-anyos na lola na tinaguriang Regional Most Wanted Person matapos itong malambat ng mga operatiba ng Tanauan City Police noong Huwebes sa Sto. Tomas City, Batangas.

Kinilala ni Batangas Police Director PCol. Oliver Ebora ang suspek na si alias Babes, na may halos dalawang dekada nang pinaghahanap ng batas.

Nahaharap si ‘Babes’ sa kasong large-scale illegal recruitment na walang piyansa at serye ng kasong estafa na may piyansang aabot sa P40,000.

Ang warrant ay inisyu noong Mayo 2008 ng Makati Regional Trial Court Branch 143.

Ang suspek ay nakapiit sa Tanauan Component City Police Station (CCPS).

Ayon sa Batangas Police, patunay ito na walang takas sa batas ang mga nambibiktima ng kapwa.

Mananatili umanong mapagbantay ang kapulisan sa ilalim ng programang “MATATAG na Pagbantay” upang tuluyang mawakasan ang pagtatago ng mga pugante at mabigyan ng hustisya ang mga biktima.