Calendar
Lolang street sweeper nakaladkad ng van; kable sumabit sa biktima, sasakyan
KUMILOS na ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela upang matulungan ang lolang street sweeper na malubhang nasugatan matapos makaladkad ng delivery van sa Valenzuela City.
Kinailangang operahan sa balikat at mga paa ang 63-anyos na si alyas “Cora” sa Philippine Orthopedic Center matapos siyang ipalipat dito ni Mayor Wes Gatchalian mula sa Valenzuela Medical Center kung saan una siyang isinugod noong Martes ng umaga, Agosto 25, 2025.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dumaraan ang delivery van ng J&T Express na minamaneho ng 51-anyos na tsuper sa Gen. T. De Leon St., alas-6:49 ng umaga nang sumabit sa hulihang bumper nito ang nakalaylay na kable na aksidenteng pumulupot sa katawan ng biktima kaya’t nakaladkad siya at tumama pa ang katawan sa poste g Meralco.
Noong Huwebes ay dinalaw ng alkalde sa pagamutan at biktima bago nagpatawag ng pagpupulong sa mga kinatawan ng courier service at Meralco upang alamin ang kabuuang detalye sa nangyaring insidente.
Nangako naman ang J&T na sasagutin ang gastusin sa operasyon ng biktima at kaagad nagpadala ng paunang tulong na P200,000.00 habang tiniyak din ng Meralco na magbibigay sila ng tulong kahit na naglabas sila ng patunay na hindi sa kanila ang kableng nakalaylay na ikinabit sa kanilang poste.
Sa kabila nito, mahaharap pa rin sa kasong Reckless Imprudence Resulting In Serious Physical Injuries ang driver ng delivery van habang inatasan na rin ni Mayor Gatchalian ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) na magkaloob ng kinakailangang pinansiyal na tulong sa pamilya ng biktima upang makatulong sa kanilang mga gastusin.

