Calendar
LPG tank sumabog sa Sta Cruz, 2 sugatan


DALAWA ang kasalukuyang ginagamot sa hospital matapos masunog ang mga ito nang sumabog ang LPG tank dahil sa singaw ng gas mula sa hose nito sa loob ng isang bahay sa 2061-A, Pista St.,sakop ng Barangay 352, Sta Cruz, Manila, Lunes ng umaga.
Nakilala ang mga biktima na sina alyas Raquel, 57, at Evangelina, 74, nakatira sa 2061-A Pista St., Barangay 352, Sta Cruz.
Ayon sa report ng pulisya, bandang 10:10 ng umaga nang mangyari ang insidente. Isang concerned citizen ang nag-ulat ng ng nasabing pagsabog.
Batay sa salaysay ng saksi, magluluto sana si alyas Raquel sa kanilang tirahan nang buksan niya ang gas stove.
Ang pag-switch ng kalan ay sinundan ng malakas na pagsabog.
Sa inisyal na imbestigasyon ni FO3 Ryan H. Dalumpines, ng Arson Investigator on Case of the Bureau of Fire Protection, ang pagsabog ay sanhi ng pagtagas ng gas mula sa hose na konektado sa tangke ng LPG at gas stove.
Dahil sa tagas, naipon ang LPG fumes sa loob ng bahay kung kaya’t nagkaroon ng pagsabog nang ini-switch ang stove.
Ang isa pang biktima ay nagtamo ng minor burn injuries sa magkabilang braso matapos abutin ng apoy habang nakaupo sa harap ng tirahan.
Humingi agad ng tulong ang mga saksi sa MPD PS3. Ang insidente ay kasunod na ipinadala sa tanggapan ng pagsisiyasat ng duty STOC.
Agad na tumungo ang mga rumespondeng tauhan sa lugar para magsagawa ng beripikasyon at imbestigasyon. Sinugod naman ang mga biktima sa pinakamalapit na pagamutan .
