Calendar
LTFRB naglabas ng temporary fare adjustment sa TNVS
NAGLABAS ng memorandum circular ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagtatakda ng pansamantalang pagbabago sa pamasahe ng mga ride-hailing services tuwing rush hours, lalo na ngayong malapit na ang Pasko.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza, ipatutupad ang bagong fare matrix mula Disyembre 17, 2025 hanggang Enero 4, 2026.
“Narinig namin ang mga hinaing at ramdam din namin ang sentimyento ng TNVS sector. Kaya’t agad kaming kumilos, alinsunod sa utos ni Pangulong Marcos at Secretary Lopez,” sabi ni Mendoza.
Sa ilalim ng LTFRB Memorandum Circular (MC) 2019-036, ang surge pricing ay hindi dapat lumampas sa B + C TNVS Fare Matrix, kung saan:• B = rate kada kilometro at C = singil kada minuto
Ang kasalukuyang flag down rates: Hatchback/Subcompact – P35, Sedan – P45, AUV – P55, Premium – P145
Ang rate kada kilometro: Hatchback/Subcompact – P13, Sedan – P15, AUV – P18; Premium – P36. Ang rate kada minuto ng biyahe: lahat ng unit – P2/minuto, Premium – P4/minuto.
Upang mapalaki ang kita ng mga TNVS driver, ipinagbabawal ng memorandum ang Transport Network Companies (TNCs) na kumuha ng anumang bahagi, komisyon, o service fee mula sa surge price component sa panahon ng implementasyon.
Inatasan din ng LTFRB ang TNVS operators at TNCs na baguhin ang kanilang fare-computation algorithms bago mag-Disyembre 17, 2025.

