LTFRB

LTFRB pananagutin taxi drivers na nanloko ng 2 beauty queen mula Thailand

Jun I Legaspi Jun 26, 2026
134 Views

NANGAKO ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pananagutin ang mga taxi drivers na nanloko sa dalawang Thai beauty queens.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, iimbestigahan ng LTFRB hindi lamang ang mga driver kundi pati ang mga operator ng mga taxi na sangkot sa insidente na nagdulot ng kahihiyan sa bansa.

“Makikipag-ugnayan tayo sa Philippine National Police upang makuha ang lahat ng kinakailangang impormasyon na magtuturo sa pagkakakilanlan ng mga taxi driver na sangkot sa insidente.

Sa panig ng LTFRB, ibibigay natin ang mga impormasyong kailangan upang matukoy ang kanilang mga operator at matiyak na mapanagot ang lahat ng may pananagutan,” ani Mendoza.

Naganap ang insidente noong Hunyo 13 habang nasa bansa ang dalawang Thai models para sa isang event.

Ayon sa reklamo, tumanggi umano ang taxi driver na gamitin ang metro at sa halip ay nagtakda ng presyo na dapat bayaran. Kalaunan, huminto ang sasakyan at sinabing nasiraan ito.

Pinaniniwalaan ding nakipagsabwatan ang taxi driver sa isa pang taxi driver upang manakaw ang cellphone ng isa sa mga dayuhang modelo.

“Hindi katanggap-tanggap ang ganitong pang-aabuso. Tinitiyak natin sa mga biktima na gagawin ng LTFRB ang lahat ng kinakailangang hakbang upang mapanagot ang mga driver na sangkot sa insidenteng ito.

Hindi rin makaliligtas sa pananagutan ang kanilang mga operator,” dagdag ni Mendoza.

Maglalabas ang LTFRB ng show cause orders kapag nakumpleto ang imbestigasyon sa pakikipag-ugnayan sa PNP at alinsunod sa direktiba ni DOTr Secretary Giovanni Lopez.