Calendar
Maynila bubuo ng task force vs karahasan
INUTOS noong Miyerkules ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang pagbuo ng task force na susugpo sa armadong karahasan sa mga paaralan at pampublikong lugar.
Sa Executive Order No. 29, na kilala bilang “Manila Schools Safety Initiative,” layunin ng task force na huwag mangyari sa Manila ang pamamaril ng dalawang estudyante sa Tacloban City na nagresulta sa pagkasawi ng tatlo at pagkasugat ng 15 pang estudyante.
“Our policy is simple: Remove illegal guns. Act on every warning sign. Prepare every school. Manila will not wait for a tragedy before taking action,” pahayag ng alkalde.
Pamumunuan ng alkalde o ng City Administrator ang Task Force na kabibilangan ng Manila Police District (MPD) director, Schools Division Office of Manila (SDO-Manila), Director ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), Manila Health Department (MHD), Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD), Pangulo ng Liga ng mga Barangay, City Legal Officer, City Public Information Officer, Chief of Staff at mga kinatawan mula sa mga pribadong paaralan, parent associations at youth organizations bilang mga miyembro habang magsisilbing secretariat ang Office of the Chief of Staff.
Inaatasan ang MPD na paigtingin ang operasyon laban sa mga loose firearms, ilegal na bentahan ng armas, paglalansag ng criminal groups, magtalaga ng School and Youth Safety Coordinator at lumikha ng Threat Monitoring and Assessment Desk na susuri sa ulat ng anumang uri ng karahasan.
Inaatasan din ang SDO-Manila at MPD na magsagawa ng School Safety Audit sa lahat ng pampublikong paaralan sa loob ng 90-araw sa pagsisimula ng kautusan na sasaklaw sa physical security, access control, evacuation routes, communications capability, at kasalukuyang emergency response plans.
Ang lahat ng barangay ay inaatasan din na suportahan ang pagpigil ng anumang karahasan.

