Arestado1

Dahil sa ilegal na pag-okupa, 4 katao inaresto

Edd Reyes Jun 25, 2026
104 Views

DINAKIP ng mga pulis ang Australian national at tatlong Pinoy na kasama niyang umokupa ng puwersahan sa pag-aari ng 91-anyos na tao noong Miyerkules sa Las Piñas City.

Sinimulang ukupahin ng mga suspek ang residential property sa Veraville Drive, Brgy. Pamplona Tres noong Martes matapos palayasin ang caretaker na sinuhulan pa ng P10,000 para umalis.

Bagama’t tinanggap ng caretaker ang salapi, hindi niya ito ginalaw at sa halip, isinuko ang pera sa mga pulis bilang ebidensiya matapos isumbong sa may-ari ang pwersahang pag-okupa sa pinagtatalunang propiedad.

Umaksiyon ang mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco na nagresulta sa pagkakadakip kina alyas Israel, 49, isang Australian national; Alberto, 58; Jeffrey, 38; at Lowie, 56, pero nakatakas ang isa pang suspek na si alyas Art.

Ayon kay Las Piñas police chief P/Col. Ricky Neron, nagtangkang manlaban ang mga suspek kaya’t bukod sa kasong grave coercion, sasampahan din sila ng kasong Resistance and Disobedience to a Person in Authority sa Las Piñas City Prosecutor’s Office.