Violation

LTFRB sinuspinde 22 buses

Jun I Legaspi Oct 21, 2025
267 Views

SINUSPINDE ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng 22 pampasaherong bus dahil sa iba’t-ibang paglabag kabilang ang hindi malinis at komportableng terminal.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, naipadala na ang notice of suspension at mga show cause order (SCO) laban sa Elavil Tours, Phils, Inc. at AMV Travel and Tours, Inc., alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyaking ligtas ang biyahe ng mga pasahero sa lahat ng oras.

Kabuuang 17 bus ng Elavil Tours, Inc. na bumibiyahe sa rutang Bicol–Manila ang sinuspinde ng 30 araw habang limang yunit ng AMV Travel and Tours, Inc. ang pinatawan ng parehong parusa.

“Isang mahigpit na babala ito sa mga kompanya ng transportasyon na sumunod sa minimum standards para sa ligtas na operasyon at pagpapanatili ng pasahero-friendly na mga istasyon at terminal,” sabi ni Chairman Mendoza.

“Hindi puwede na pahihirapan ninyo ang inyong mga pasahero, basa kapag umuulan, walang maupuang maayos habang naghihintay ng biyahe at hindi makagamit ng palikuran dahil sa sobrang dumi,” dagdag pa niya.

Sa kaso ng Elavil Tours, Inc., mismong si Department of Transportation Secretary Giovanny Lopez ang nag-utos sa LTFRB na imbestigahan ang mga paglabag ng kumpanya matapos ang kanyang inspeksyon sa ilang bus terminal sa Metro Manila.

Nahuli ang kumpanya na gumagamit ng ilegal na terminal sa Pasay City na dati nang ipinasara ng DOTr.

Ang hindi pagsunod sa minimum na requirement para sa kaligtasan at kaginhawaan ng pasahero ang dahilan din ng suspensyon ng limang yunit ng bus ng AMV Travel and Tours, Inc.

Sa magkahiwalay na show cause orders, inatasan ang dalawang kompanya na isuko ang kanilang mga for-hire plate at magpaliwanag sa pamamagitan ng notarized na sulat kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanilang prangkisa.