LTFRB

LTFRB sinuspinde 8 bus dahil sa aksidente

Jun I Legaspi Jun 23, 2026
217 Views

SINUSPINDE ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30 araw ang walong bus ng Pangasinan Five Star Bus Inc. dahil sa aksidente sa Santiago City, Isabela, na ikinamatay ng babaeng pedestrian at pagkasugat ng dalawang pasahero ng bus noong Hunyo 11.

Ayon kay Atty. Vigor Mendoza II, LTFRB chairman, nasawi ang pedestrian sa matinding pinsala dahil sa pagsalpok ng bus.

Batay sa imbestigasyon, nawalan ng kontrol ang drayber ng bus habang bumibiyahe at nabangga ang pedestrian sa harap ng ospital. Nadamay sa aksidente ang isang pick-up vehicle na nasa kabilang lane.

Sa inilabas na show cause order, inatasan ng LTFRB ang Pangasinan Five Star Bus na magpaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang certificate of public convenience nito.

Inatasan din ang kumpanya na isailalim sa drug test ang drayber, ipa-roadworthiness inspection ang walong bus na nasuspinde at isuko ang mga plaka ng mga ito.

Ayon kay Mendoza, layunin ng imbestigasyon na matukoy kung maayos na ipinatutupad ng kumpanya ang mga alituntunin sa kaligtasan sa kalsada.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mahigpit na pagsunod ng mga operator at drayber ng pampasaherong sasakyan sa mga umiiral na batas at regulasyon sa kalsada.

Nakatakda ang pagdinig sa Hulyo 7 at kabilang sa mga tatalakayin kung nakapagbigay ba ng kinakailangang tulong ang kumpanya sa pamilya ng nasawi at kung nakatulong sa pagproseso ng insurance claims para sa mga biktima ng aksidente.