Just In

Calendar

April 2025
M T W T F S S
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
282930  

LTO extension office sa El Salvador City binuksan

Jun I Legaspi Apr 14, 2025
26 Views

SA utos ni Department of Transportation Secretary Vince B. Dizon na palawakin at pagbutihin ang serbisyo para sa publiko, pormal na binuksan ng Land Transportation Office (LTO) nitong Lunes, Abril 14, ang isang extension office sa El Salvador City, Misamis Oriental.

Sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, na ang bagong LTO El Salvador City Extension Office ay inaasahang magbibigay ng mas maginhawang serbisyo sa mga residente na dati-rati ay kailangang gumastos ng mas maraming oras at pera para lamang makapag-transact sa pinakamalapit na LTO office, lalo na sa pagpaparehistro ng sasakyan at pag-renew ng lisensya.

“Ang bagong extension office dito sa El Salvador City ay isa lamang sa maraming LTO offices na inilunsad upang mapalapit ang serbisyo ng gobyerno sa mamamayan, alinsunod sa pangitain ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa ilalim ng Bagong Pilipinas,” ani Asec. Mendoza.

“Sa pamamagitan ng extension office na ito, malaking tipid sa oras, pagsisikap, at pera ang maibibigay sa ating mga kababayan dito. Inilapit na natin ang LTO sa inyo,” dagdag pa niya.

Matatagpuan sa Purok 3, Barangay Bolobolo, El Salvador City, ang bagong LTO El Salvador City Extension Office ay may kakayahang tumanggap ng mas maraming transaksyon araw-araw at nagbibigay din ng mas maginhawang serbisyo sa mga kliyente ng LTO.

Pinuri ni Asec. Mendoza ang lokal na pamahalaan, sa pangunguna ni Gob. Peter M. Unabia at El Salvador City Mayor Edgar S. Lignes, para sa pagsuporta sa pagtatayo ng bagong extension office.

Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa 2nd District Representative Cong. Yevgeny Vincente B. Emano ng Misamis Oriental para sa kanyang kontribusyon.

Pinasalamatan din ni Asec. Mendoza si LTO-Region 10 Regional Director Nelson S. Manaloto at ang Assistant Regional Director nito Arthur M. Ranque sa mabilis na pangangasiwa ng pagbubukas ng LTO Office.

Lahat ng nabanggit na opisyal ay dumalo sa inaugurasyon ng bagong LTO extension office.

“Ang bagong El Salvador City Extension Office ay isa pang patunay ng magandang resulta ng kooperasyon sa pagitan ng LTO at ng mga local government units. Isa lang ang ating layunin—ang magkaroon ng maayos at mabilis na serbisyo para sa ating mga kababayan, kaya’t pagkakaisa at pagtutulungan ang susi rito,” ani Asec. Mendoza.