Mendoza

LTO: Multa sa late reg inalis, tulong sa mga naapektuhan ni ‘Kristine’

Jun I Legaspi Oct 25, 2024
120 Views

INANUNSYO ng Land Transportation Office (LTO) ang pag-aalis ng multa para sa late registration ng sasakyan at renewal ng lisensya bilang tulong sa mga naapektuhan ng bagyong Kristine.

Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, inaprubahan na ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang kanilang mungkahi na ito.

Sa isang memorandum, para sa mga sasakyang may expiration sa Oktubre 2024, pati na rin sa mga lisensya na mag-e-expire mula Oktubre 21 hanggang 31 ang pag-aalis ng multa.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, humigit-kumulang dalawang milyong tao ang naapektuhan ng bagyong Kristine.

Dagdag pa ni Assec Mendoza, para sa mga new registration, ang pagsisimula ng bilang ng mga araw mula sa petsa ng sales invoice magsisimula sa susunod na araw ng trabaho pagkatapos ng Nobyembre 8 para sa mga sasakyang binili mula Oktubre 21-31, 2024.

Nilinaw din niya na ang pag-aalis ng multa magiging nationwide dahil halos buong bansa ang binayo ng bagyo.