Ragay

LTO-R5 nag-isyu ng SCO vs kumpanya ng bus sa aksidente sa Ragay

Jun I Legaspi Apr 9, 2026
134 Views

Ragay1SA ilalim ng patnubay ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ipinatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operator ng pampasaherong bus na nasangkot sa aksidente sa Camarines Sur noong gabi ng Abril 8, na nagresulta sa pagkamatay ng hindi bababa sa limang katao.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, sinuspinde ang operasyon ng bus na pag-aari ng Mark-Eves Transit Corporation habang isinasagawa ang imbestigasyon sa insidente.

“Isang malungkot na pangyayari ito na kailangang ipaliwanag ng driver at ng bus company. Nagsimula na kaming mangalap ng impormasyon at nais din naming marinig ang panig ng driver at ng kumpanya bilang bahagi ng due process,” ani Chairperson Mendoza.

Naglabas na rin ng show cause order ang LTO-Region 5 na natanggap na ng naturang bus company.

Batay sa paunang ulat ng pulisya, patungong Tabaco, Albay ang bus noong Miyerkules ng gabi nang mabigla ang driver sa harang na plastik sa kalsada sa Andaya Highway, Ragay, Camarines Sur. Dahil dito, napaswerve ang bus sa kabilang direksyon at bumangga sa isang rescue vehicle ng lokal na pamahalaan.

Sa lakas ng banggaan, limang sakay ng rescue vehicle ang nahulog at nasawi, habang hindi bababa sa walo pa ang nasugatan. Umalis ang driver matapos ang insidente ngunit kalaunan ay sumuko sa lokal na pulisya.

“Lubos kaming nakikiramay sa pamilya ng mga biktima ng trahedyang ito. Tinitiyak namin na makakamtan nila ang hustisya,” dagdag ni Chairperson Mendoza.

Inatasan na rin niya ang LTO-Region 5, sa pamumuno ni Regional Director Joel Defeo, na magbigay ng tulong sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga hakbang para sa agarang paglabas ng insurance claims para sa mga nasugatan at namatay sa insidente.

Binigyang-diin ni Chairperson Mendoza na mahigpit niyang babantayan ang progreso ng kaso.