LTO

LTO sinuspindi lisensya ng rider sa viral stunt sa motorsiklo

Jun I Legaspi Sep 3, 2025
188 Views

SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na habulin ang mga pasaway na motorista upang matiyak ang kaligtasan sa kalsada, sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO), sa patnubay ni Acting Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, ang lisensya ng rider na sangkot sa viral video ng motorcycle stunt sa pampublikong kalsada.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nakalap na nila ang kinakailangang impormasyon na nagresulta sa paglalabas ng show cause order (SCO) laban sa rehistradong may-ari ng motorsiklo.

“Hindi pa natin tiyak kung ang may-ari mismo ang gumawa ng motorcycle stunt. Ngunit anuman ang kaso, kailangan pa rin niyang ipaliwanag kung bakit walang plaka ang kanyang motorsiklo,” ani Asec. Mendoza.

Naglabas ng SCO ang LTO matapos makita ng kanilang social media team ang viral video ng isang rider na sakay ng beige na Honda motorcycle na walang plaka, at gumagawa ng mga stunt, sumasayaw, at iba pang delikadong gawain sa pampublikong kalsada.

“May tamang lugar para rito at tiyak na hindi kasama ang mga pampublikong kalsada,” dagdag pa ni Asec. Mendoza.

Ayon sa kanya, kakaharapin ng rider ang kasong Reckless Driving at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na may pinakamataas na parusang kanselasyon ng lisensya.

Samantala, ang rehistradong may-ari naman ng motorsiklo ay nahaharap sa kasong Failure to Attach Motor Vehicle License Plate.

Batay sa SCO na pirmado ni LTO Intelligence and Investigation Division Chief Renante Melitante, nakasaad na inilagay na sa alarm ang naturang motorsiklo.

Inaatasan din ang may-ari na humarap sa LTO Central Office sa darating na Setyembre 9 at magsumite ng nakasulat na paliwanag.

Kapag natukoy na ang pagkakakilanlan ng rider, ipapataw ng LTO ang 90-araw na preventive suspension.

“Ang hindi pagharap at hindi pagsusumite ng sinumpaang komento o paliwanag ayon sa hinihingi ng tanggapan na ito ay ituturing na pagtalikod sa inyong karapatang maipagtanggol ang sarili, at ang kaso ay dedesisyunan batay sa mga ebidensyang hawak ng ahensya,” ayon sa nakasaad sa SCO.