Calendar
Madrasta kinagat, kinaladkad stepson, pinosasan
SWAK sa selda ang 38-anyos na bebot nang kagatin at kaladkarin palabas ng isang computer shop ang 12-anyos na stepson matapos paghinalaang nang-umit ng kanyang pera sa Pasay City.
Sa ulat ng tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, nangyari ang insidente noong Miyerkules ng madaling araw nang hanapin ng suspek na si alyas Mildred ang bata sa hinalang ninenok nito ang kanyang salapi.
Nang makita ni Mildred ang bata sa loob ng isang computer shop sa Brgy. 32 pasado alas-3:00 ng madaling araw, pilit niyang isinama pauwi ang stepson subalit hindi ito sumama kaya’t puwersahan niyang kinaladkad palabas na dahilan ng pagkakaroon ng mga sugat at pasa sa tuhod at labi.
Nagpumiglas at tinangkang manlaban umano ng bata kayat kinagat siya ng stepmother sa balikat na nagdulot ng pamamaga.
Inaresto naman ng mga nagrespondeng pulis, kasama ang mga tauhan ng Barangay VAWC (Violence Against Women and Children) ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa R.A.
7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa Pasay City Prosecutor’s Office.

