Remulla2

Mag-asawang Discaya tinitingnan kung may koneksyon sa kumpanya na dawit si Bong Go

409 Views

PUMUTOK ang bagong mga isyu sa kontrobersyal na flood control projects matapos kumpirmahin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na iniimbestigahan na nila at ng Office of the Ombudsman ang umano’y koneksyon ng mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya sa kumpanyang pag-aari ng ama ni Senador Bong Go.

“We are looking at connections between the Discayas and the corporation. ‘Yun ang usapan namin ni Ombudsman kagabi,” ani Dizon sa isang ambush interview nitong Huwebes.

Ayon pa kay Dizon, nagsimula ang mas malalim na pagtutok matapos ianunsyo ng mag-asawang Discaya na hindi na sila makikipagtulungan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), isang komisyong nilikha ng Malacañang para imbestigahan ang mga iregularidad sa mga proyektong pampubliko.

Sa panig ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla, sinabi niyang tumanggi ang mag-asawang Discaya na magbigay ng detalye tungkol sa umano’y joint venture nila sa kumpanya na nakabase sa Davao City.

“Ayaw nilang magdisclose ng detalye tungkol sa partnership nila sa (kumpanya),” ayon kay Remulla sa panayam ng Super Radyo dzBB.

Dahil dito, ayon kay Dizon, mawawalan ng tsansang maging state witness ang Discaya couple kung magpapatuloy ang kanilang pananahimik.

“Binigyan na nga sila ng pagkakataon ng ICI na mag-cooperate. Pero ngayon na ayaw nila, wala nang posibilidad na maging state witness,” ani Dizon.

Samantala, nanindigan si Sen. Bong Go na wala siyang kinalaman sa mga proyekto ng mag-asawang kontraktor at hinikayat ang mga ito na magsabi ng totoo.

“Hindi ko po kilala ang mga Discaya, wala po akong kinalaman sa kanila at wala po akong pakialam sa mga Discaya,” pahayag ni Go sa press conference nitong Huwebes.

“I welcome any investigation. Wala akong tinatago, wala akong kinatatakutan dahil wala akong kasalanan.”

Dagdag pa ng senador, handa siyang suportahan ang anumang imbestigasyon at iginiit na kahit mga kamag-anak niya ay dapat managot kung mapapatunayang may pagkukulang.

“Kung may mali, ako mismo ang magrerekomenda na kasuhan sila — kahit kamag-anak ko,” aniya.

Ayon pa kay Dizon, sinabi sa kanya ni Remulla na malapit nang isampa sa Sandiganbayan ang unang kaso laban sa mag-asawang Discaya.

“It’s close, it’s almost time to face each other. I feel like it will just be weeks until the Ombudsman will file the cases,” sabi ni Dizon. “Those are non-bailable cases,” dagdag pa niya.

Noong nakaraang buwan, naghain na ang DPWH ng kaso laban sa St. Timothy Construction Corp., kumpanyang pag-aari umano ng mag-asawang Discaya, at ilang opisyal ng DPWH-Bulacan dahil sa limang kuwestyonableng kontrata sa flood control projects.

Ang reklamo ay sakop ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Government Procurement Reform Act, at mga kasong malversation at falsification.

Bukod sa mga kasong kriminal, may mga reklamo rin ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa Discaya couple at isang opisyal ng kanilang kompanya dahil sa umano’y ₱7.1 bilyong tax liabilities mula 2018 hanggang 2021.

Giit ni Dizon, seryoso ang pamahalaan sa paglilinis ng hanay ng mga kontratista at opisyal ng gobyerno na sangkot sa anomalya.

“Wala tayong sisinuhin dito. Lahat ng kontrata mula 2016 hanggang 2025, ipapasa namin sa Ombudsman. The law will take its course,” aniya.