Calendar
Mag-asawang Zobel, Tuason ninakawan ng P8.4M ng Akyat Bahay

Source: PNP
DALAWANG pinaghihinalaang miyembro ng grupong “Akyat-Bahay” ang pumasok sa tahanan ng kilalang mag-asawang sina Bianca Zobel at Daniel Tuason sa eksklusibong Dasmariñas Village sa Makati City noong Hunyo 7 at tumangay ng mga mamahaling relo at alahas na tinatayang nagkakahalaga ng P8.4 milyon, ayon sa impormasyong nakalap ng Journal Group.
Isa sa mga suspek na kinilalang si Audy Ibona Jr., 22, ay naaresto sa isinagawang follow-up operation, habang ang kanyang kasabwat na nakilala lamang sa alyas na Diamon, 28, ay patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad hanggang sa kasalukuyan, ayon kay National Capital Region Police Office Director Major General Anthony A. Aberin.
Naaresto si Ibona dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2013 at Presidential Decree 1602 na may kaugnayan sa ilegal na sugal noong nakaraang Sabado.
Siya at ang ikalawang suspek ay sasampahan ng kasong robbery sa Tanggapan ng Piskal ng Makati City.
Batay sa ulat ng Makati City Police Station sa ilalim ni Colonel Pedro A. Alagano Jr., agad na nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa koordinasyon ng Security Office ng Dasmariñas Village Association (DVA).
Kinumpirma naman ng security provider ng DVA na El Tigre Security and Investigation Agency, Inc., sa pamamagitan ng officer-in-charge nito, na naganap ang pagnanakaw sa bahay nina Tuason at Zobel mula alas-3:24 ng madaling-araw hanggang alas-4:07 ng madaling-araw noong Hunyo 7.
Ayon sa 37-anyos na si Tuason, nagising siya mula sa pagkakatulog at napansin niyang nakabukas ang ilaw sa banyo. Nang gamitin niya ang kanyang flashlight, nakita niya ang isang lalaki na naghahalungkat ng kanilang mga gamit bago mabilis na tumakbo sa pasilyo.
Agad umanong kinuha ng negosyante ang kanyang lisensyadong baril at hinabol ang suspek na tumakbo patungo sa kanilang walk-in closet at lumabas sa parehong bintanang pinasukan nito bago tumalon sa bakod ng katabing bahay.
Dagdag pa niya, ginising niya ang kanyang kinakasama at agad itong humingi ng tulong sa kanilang security office. Gayunman, hindi na nahuli ang suspek sa oras na iyon.
Matapos ang insidente, sinabi ni Zobel sa mga imbestigador na napansin nilang nawawala ang ilan sa kanyang mahahalagang ari-arian na pinaniniwalaang tinangay ng suspek.
Kabilang sa mga nawawalang gamit ang isang Patek Philippe Royal Oak na relo na nagkakahalaga ng P3 milyon, isang Patek Philippe Aquanaut na relo na may halagang P3 milyon, isang pares ng berdeng Van Cleef na hikaw na nagkakahalaga ng P200,000, isang gintong kuwintas, gold nugget at coin chain na may kabuuang halagang P1 milyon, isang kuwintas na perlas na nagkakahalaga ng P1 milyon, at isang Aura Ring na may halagang P40,000.
Umabot sa kabuuang P8.24 milyon ang halaga ng mga nawawalang ari-arian.
Sa pagsusuri ng mga CCTV footage sa lugar, nakita na nakapasok ang suspek sa bahay ng mag-asawa matapos akyatin ang bubong ng kanilang kapitbahay. Naglakad umano ito sa bakod patungo sa pool area ng mga biktima at nakapasok sa bahay sa pamamagitan ng pagbubukas ng sliding window sa closet area na konektado sa master bedroom.
Nakita rin sa CCTV ang naarestong suspek na nakasuot ng puting t-shirt, sumbrero, at face mask ng motorcycle rider upang maitago ang kanyang pagkakakilanlan habang isinasagawa ang pagnanakaw.
Dahil sa insidente, masusing sinusuri ang seguridad ng Dasmariñas Village matapos malusutan ng suspek ang perimeter ng eksklusibo at prestihiyosong gated community sa Makati City, na kilala sa malalawak nitong mansyon, mga kalyeng napapalibutan ng mga puno, at mahigpit na seguridad.
Ang mamahaling subdibisyong ito ay tahanan ng maraming kilalang negosyante, politiko, at mga dayuhang diplomat.

