Just In

Calendar

April 2025
M T W T F S S
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
282930  
Sotto Dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III

Mag-invest tayo sa teachers, nutrisyon, classrooms — Alyansa

Mar Rodriguez Apr 5, 2025
19 Views

ANTIPOLO CITY — Inilatag ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas nitong Biyernes ang kanilang mga panukala para ayusin ang pampublikong edukasyon sa bansa, kung saan tututukan ang kapakanan ng mga guro, nutrisyon ng mga estudyante, at mga repormang nakabase sa datos at aktuwal na karanasan sa komunidad.

Sa isang press conference, binigyang-diin ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nakasalalay sa mga guro ang kalidad ng edukasyon. Kaya kailangan aniyang ayusin ang kanilang sweldo at benepisyo para mas mahikayat silang manatili sa propesyon at mas mapabuti ang kanilang pagtuturo.

Suportado ito ni Makati Mayor Abby Binay, na nagsabing dapat ding may regular na training ang mga guro, katulad ng Mandatory Continuing Legal Education sa mga abogado.

Dagdag niya, hindi lang dapat itaas ang sahod at chalk allowance ng mga teacher kundi tiyakin din na napapanahon ang kanilang mga pamamaraan ng pagtuturo.

Kasabay nito, iginiit din ni Binay na dapat bigyang-pansin ang gutom sa hanay ng mga estudyante. Kahit anong husay ng guro, aniya, kung walang laman ang sikmura ng bata, hindi rin ito matututo nang maayos.

Binigyang-diin naman ni dating Interior Sec. Benhur Abalos ang papel ng nutrisyon sa maagang pag-unlad ng mga bata. Ayon sa kanya, isang malaking problema ang stunting o kakulangan sa nutrisyon sa unang 1,000 araw ng isang bata dahil may permanente itong epekto sa utak.

Ibinahagi ni Abalos ang naging proyekto niya noon sa Mandaluyong, kung saan inalagaan na nila agad ang mga ipinagbubuntis pa lang at sinigurong may sapat na nutrisyon ang mga sanggol mula pagkapanganak hanggang paglaki. Dahil sa programang ito, aniya, nanguna ang kanilang lungsod sa National Achievement Test.

Para naman kay dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson, kailangang tiyakin na may sapat na pondo para sa edukasyon. Aniya, noong nasa Senado pa siya, taon-taon siyang nagdadagdag ng budget para sa mga allowance ng guro at feeding programs sa mga paaralan.

Giit niya, hindi kailangang maghintay ng bagong batas dahil maaaring gamitin ang General Appropriations Act para direktang madagdagan ang pondong laan sa mga nabanggit na pangangailangan.

Ayon kay ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, hindi lang kakulangan sa pondo ang problema kundi maling prayoridad din. Imbes na puro imprastraktura na madalas nauugnay sa korapsyon, mas dapat aniyang ilaan ang budget sa edukasyon, lalo na sa pagpapatayo ng mas maraming silid-aralan.

Marami pa ring public schools ang may halos 50 estudyante sa isang klase, gayong ang ideal ratio ay isang guro sa bawat 25 estudyante, ayon kay Tulfo.

Iginiit ni Lacson na kung gusto ng bansa ng mas magandang kinabukasan, kailangan ngayon pa lang ay mag-invest na aniya sa edukasyon, gaya ng dagdag na classrooms, mas maraming teachers at mas maayos na mga paaralan.

Samantala, binanggit ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang findings mula sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), kung saan tinukoy ang apat na pangunahing dapat tutukan: sapat na pondo, maagang childhood intervention, malinaw na academic benchmarks at maayos na koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno.

Ayon kay Tolentino, dapat dagdagan ang budget ng edukasyon na kasalukuyang nasa 3.6 porsiyento lang ng gross domestic product, malayo sa rekomendasyon ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization na 4-6 porsiyento.

Dagdag pa niya, kailangang siguraduhin na pagdating ng Grade 3, alam na dapat ng mga bata ang basic skills tulad ng pagbasa at pagsulat.

Isang malaking isyu rin, aniya, ang kawalan ng koordinasyon sa pagitan ng Department of Education, Commission on Higher Education, at Technical Education and Skills Development Authority.

Sinabi niyang dapat magkaroon ng isang governing body na magtitiyak na sabay-sabay ang kilos ng tatlong ahensya para mas maging epektibo ang mga reporma sa edukasyon.