Hot News

Magkapatid ilang beses ginahasa ng ama, lolo

Jon-jon Reyes Jun 10, 2026
207 Views

Arestado

Arestado1
Sinisiyasat ng mga kapulisan ng MPD Sta Ana Police Station 6 ang ginawang sulat ng biktima kaugnay sa pang-aabuso at pang-hahalay ng kanyang ama at lolo sa Sta Ana, Manila. JONJON C. REYES

PERSONAL na nagtungo sa tanggapan ng pulisya ang isang 12-anyos na batang babae upang isumbong nito ang umano’y ilang taong kalbaryo ng pang-aabuso at panggagahasa ng kanyang sariling ama at lolo sa Sta Ana, Manila.

Ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD) Sta Ana Station 6,nagtungo ang bata sa himpilan ng pulisya nitong Lunes bitbit ang dalawang-pahinang sulat na una niyang sinabi ay salaysay ng kanyang kaibigan na biktima ng pang-aabuso.

Sa kasagsagan ng pagtatanong ng imbestigador ng Women and Children Protection Unit, biglang humagulgol ang menor de edad at inaming siya ang may gawa ng sulat at ang tunay na biktima ng pang- aabuso.

Ayon kay Police Lt.Col. Inocencio Richard Villanueva, commander ng MPD Sta Ana Police Station 6,matapos ang isinagawang pagsusumbong ng bata ay agad nilang ipinatawag ang mga magulang ng bata.

Sa kanyang kwento, binanggit ng biktima na nagsimula umano ang pang-aabuso nang kanyang ama’t lolo noong siya ay 10 taong gulang pa lamang.

Hindi nagawang magsumbong ang biktima dahil sa takot sa mga suspek kung kaya’t nanatili umano itong tahimik.Nag-alala rin siya na hindi siya paniwalaan ng kanyang pamilya.

Sa isang television interview, sinabi ni. PLt.Col.Villanueva na “pumunta siya (ang biktima) dito sa police station, under the pretext na yung kaibigan daw niya initially yung talagang victim.

Then afterwards nung iniinterview na siya nung mga investigator natin sa Women’s bigla na lang daw siyang humagulgol ng iyak. Talagang umiyak kasi talaga ano eh hindi niya siguro talaga maitago sa takot. Then nag-disclose na siya na siya pala talaga yung gumagawa ng letter and siya rin talaga yung victim per se nung insidente na iyon.”

“Afterwards yung chief investigator natin is pinasundo muna yung magulang niya considering na minor pa yung bata, 12 years old pa lang so pinasundo.Nagdisclose na rin yung nanay na may ganun na palang mga insidente,” dagdag ng hepe ng Sta Ana police Station.6.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, dito na natuklasan ng mga pulis na ang nakatatandang kapatid na babae ng nagsumbong ay umano’y naging biktima rin ng panggagahasa ng kanilang tatay.

Ayon pa kay PLt.Col. Villanueva, maaaring ang pagkakatuklas na hindi lamang siya ang nakaranas ng pang-aabuso ang nagbigay ng lakas ng loob sa bata upang magsumbong sa mga awtoridad.

“Sa dun sa course din ng investigation nalaman din namin actually na yung…kapatid niya is victim ng rape ng tatay din nila, kung titignan natin dalawa ang victim natin,” saad ni PLt.Col. Villanueva.

“Commendable yung ano bravery niya kahit sa ganung edad niya talagang tinayuan niya yung statement niya. I think nalaman niya na rin about sa kapatid niya na parehas sila na yung turning point nung desisiyon niya pumunta dito, parang tama na sobra na,” dagdag ng hepe.

Matapos matanggap ang reklamo, nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng MPD Station 6 na nag-resulta sa pagkaka-aresto sa mag-ama sa kanilang tahanan.

Ayon sa pulisya, sa isinagawang medico-legal examination, lumalabas na nakitaan ang menor de edad ng blunt penetrating genital trauma.

Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong rape, acts of lasciviousness at paglabag sa mga batas na nagbibigay-proteksiyon sa mga bata laban sa pang-aabuso.