Dy

Magna Carta para sa mga bgy officials isinulong ni Isabela Cong. Inno Dy

Mar Rodriguez Nov 14, 2022
212 Views

Magna Carta para sa mga bgy execs isinulong ni Dy

DAHIL laging nakaumang sa peligro ang buhay ng mga opisyal ng barangay para tuparin ang kanilang tungkulin. Isinulong ng isang Northern Luzon congressman ang isang panukalang batas na naglalayong magkaroon ng “Magna Carta” para sa mga barangay officials.

Ipinaliwanag ni Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V na mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga barangay officials. Sapagkat sa barangay din aniya nagsisimula ang tinatawag na “basic politics” at ito rin ang nagsisilbing implementing unit ng mga polisiya ng gobyerno.

Dahil dito, sinabi ni Dy na nararapat lamang na mapagbuti at mapaganda ang kalagayan ng mga barangay officials sa pamamagitan ng isinulong nitong House Bill No. 1204 sa Kamara de Representantes na naglalayong magkaroon ng “Magna Carta” para sa kanila.

Sa ilalim ng panukalang batas ni Dy, nakapaloob dito ang pagpapabuti o pag-improve sa kompensasyon at benepisyo na natatanggap ng mga opisyal ng barangay. Kabilang din dito ang pagtitiyak na matatanggap ng mga nasabing opisyal ang basic services at maayos na pasilidad para naman sa kanilang barangay o nasasakupang lugar.

“The barangay as the basic political unit, serves as the primary planning and implementing unit of government policies, plans, programs, projects and activities in the community. Barangays are the forefront of government services, how well barangays perform the quality of basic services that people received,” ayon sa kongresista.

Sinabi din ni Dy na ang pagkakaloob ng Magna Carta para sa mga barangay officials ay bilang pagkilala sa kanilang masigasig na serbisyo at dedikasyon para pagsilbihan ang kanilang komunidad. Kung saan, sila ang nagsisilbing instrument upang maramdaman ng kanilang barangay ang mga programa at proyektong ipinatutupad ng pamahalaan.