Calendar
Magsino pinasalamatan Sen. JV dahil sa effort nito para matulungan DMW
PINAPURIHAN at nagpaabot ng pasasalamat si dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino para kay Senate Deputy Majority Leader Joseph Victor “JV” Ejercito matapos nitong itulak ang kumpletong pondo para sa assistance program ng Department of Migrant Workers (DMW).
Sinabi ni Magsino na napakahalagang papel ang kasalukuyang ginagampanan ng DMW kaya nararapat lamang na mabigyan sila ng kinakailangang pondo at suporta mula sa pamahalaan upang epektibo nilang maipatupad ang iba’t-ibang programa para sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ipinaliwanag ni Magsino na bilang Kinatawan parin ng mga OFWs sa pribadong kapasidad. Kailangan aniya ng mga Filipino Migrant workers na mabigyan sila ng napapanahong legal at medical assistance. Kasama na dito ang welfare support para sa kanila at sa kanilang pamilya.
Sinuportahan din ng dating kongresista ang panghihikayat ni Ejercito sa DMW na dapat nitong tiyakin na sapat ang Aksiyon Fund ng ahensiya upang magtuloy-tuloy ang maagang legal intervention sa mga panahong nahaharap sa krisis ang mga OFWs.
Kasabay nito, nananawagan naman si Magsino at iba pang concerned agencies ang pagpapadala ng agarang tulong para sa mga OFWs kasama na ang kanilang pamilya na posibleng naapektuhan at nasalanta ng nakalipas na magnitude 6.9 na lindol sa Cebu.
Ayon kay Magsino, dapat ay ipag-utos na ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac ang pagpapadala ng nararapat na tulong para sa mga apektadong OFWs at kanilang pamilya pati na ang mga Pilipinong Migrant workers na naninirahan sa mga karatig lalawigan ng Cebu.
Iminumungkahi ni Magsino sa DMW na agad na makipag-ugnayan sa mga Regional Offices nito kasama na ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para alamin ang bilang ng mga naapektuhang OFWs at Pinoy seafarers at alamin narin ang kasalukuyang kalagayan ng pamilya ng mga ito.
“Nananawagan tayo sa pamahalaan na sana ay agad nilang tulong ang mga kababayan nating OFWs sa Cebu at kanilang pamilya. Hinihiling ko din sa ating mga kababayan ang pag-aalay ng panalangin para sa ating mga kababayan sa Cebu,” pahayag ni Magsino.

