MWO

DMW nagbukas ng bagong MWO sa Thailand 

Jun I Legaspi Oct 5, 2025
145 Views
BILANG higanteng hakbang bilang suporta sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), pinangunahan ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac ang pagbubukas ng Migrant Workers Office (MWO) sa Bangkok, Thailand, ang ika-42 MWO sa labas ng Pilipinas.
Inaasahang makakatulong ang MWO sa mahigit 40,000 OFWs sa Thailand.

Dumalo sa seremonya sina Philippine Ambassador to Thailand Millicent Cruz Paredes, Labor Attaché Don Pangcog, Assistant Secretary Regina Galias, Deputy Administrator Rossane Catapang, Director Edz Claustro at Director Ronald Mina.

Layunin ng MWO Bangkok na magsilbing “tahanan sa ibang bayan” para sa mga OFW na nagbibigay ng tulong sa panahon ng emerhensiya, madaling akses sa mga programa ng DMW at OWWA at tulay sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng komunidad ng mga Pilipino sa Thailand.

Ang inisyatibong ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ilapit ang serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan bilang pagkilala sa mga OFW bilang dangal, lakas at mga makabagong bayani ng sambayanang Pilipino.