Magsino

Barkong inatake sa Gulf of Aden ikinabahala ni Magsino

Mar Rodriguez Oct 2, 2025
156 Views

NAGPAHAYAG ng labis na pagkabahala si dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino matapos mapaulat ang nangyaring pag-atake sa barkong Minervagracht habang naglalayag sa Gulf of Aden.

Dahil dito, nananawagan si Magsino sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration upang alamin kung mayroong mga Pilipinong tripulante ang lulan ng barkong Minervagracht.

Iminungkahi ni Magsino ang agarang pakikipag-ugnayan ng DMW at OWWA sa ship-owner ng nasabing barko kasama na ang mga employer, Department of Foreign Affairs (DFA) at manning agency upang maberipika kung may mga Pilipino nga ang naapektuhan ng pag-atake.

Pinapurihan naman ng dating kongresista ang ibinigay na pahayag ng DMW matapos nitong tiyakin na nakahanda silang magbigay ng agarang tulong kabilang na ang medical assistance, access sa gamutan at repatriation sakaling makumpirma nila na mayroong mga Pilipinong marino ang lulan ng Minervagracht.

Sabi pa ni Magsino na dapat mas lalo pang palakasin ng DMW ang kanilang mga programa para mapangalagaan ang mga Pilipinong tripulante partikular na sa mga tinatawag na “high risk areas”.

Muling ipinahayag ni Magsino na bagama’t hindi pinalad na makakuha ng puwesto ang OFW Party List sa 20th Congress. Subalit patuloy naman aniya silang nakatutok sa mga kasalukuyang kaganapan para makapagbigay parin ng tulong para sa mga Filipino seafarers at Overseas Filipino Workers (OFWs).

“Tayo ay patuloy na nakasubaybay para alamin ang kalagayan ng mga Filipino seafarers at ating mga kababayang OFWs. Hindi tayo tumitigil sa ating paglilingkod at pagkakaloob ng tulong,” wika nito.