Magsino

Kampanya vs illegal recruitment dapat mas lalo pang paigtingin

Mar Rodriguez Sep 30, 2025
327 Views

HINIHILING ni dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino sa Department of Migrant Workers (DMW) at law enforcement agencies ang pagpapaigting ng kampanya laban sa talamak at laganap na illegal recruitment.

Ang pahayag ng dating kongresista ay kasunod ng pagkaka-aresto sa dalawang Taiwanese nationals na pinaniniwalaang nasa likod ng illegal recruitment para ipasok sa mga online scam hubs ang mga nare-recruit nilang Pilipino at ipapadala naman sa iba’t-ibang parte ng bansa kung saan laganap ang naturang illegal na gawain o modus-operandi.

Sinabi ni Magsino na kailangang doblehin ng pamahalaan ang kanilang masigasig na kampanya laban sa illegal recruitment sapagkat laging mga Pilipino ang pinupuntirya ng mga sindikatong nasa likod nito, kung saan anim na bagong recruit na Overseas Filipino Workers (OFWs) ang muntikan ng maging biktima matapos ang pagdakip sa dalawang Taiwanese sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Pinapurihan naman ni Magsino ang DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) dahil sa pagkakasabat nina kina You-De Zeng at Hou-Lin Pan sa pamamagitan ng joint operations kasama ang pakikipag-koordinasyon nito sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at iba pang law enforcement agencies.

Binigyang diin ni Magsino na ang naging pagkilos ng DWM at OWWA ay nagpapatotoo lamang na hindi pinababayaan ng pamahalaan ang mga OFWs taliwas sa mga pinupukol na akusasyon ng ilang kritiko sapagkat patuloy na kumikilos ang gobyerno para tiyakin na nasa maayos na kalagayan ang mga Filipino Migrant workers.

Ayon kay Magsino, nang maupo ang OFW Party List Group noong 19th Congress. Nasaksihan nito ang puspusang kampanya ng gobyerno laban sa illegal recruitment at ang maigting na pagtugis naman sa mga illegal recruitment agencies kasama na ang mga sindikatong kakutsaba nila.

Sabi pa ng dating mambabatas na ang mga biktima ay tatlong lalake at dalawang babae na nire-recruit para magtrabaho sa Cambodia bilang mga “costumer service representatives” na pinangakuan ng malaking sahod subalit ang papasukan nilang trabaho ay kahina-hinala.