Oducado

Malawakang kampanya vs abusadong taxi drivers iminungkahi ni Oducado

Mar Rodriguez Aug 6, 2025
242 Views

BUNSOD ng pagmamalabis ng ilang abusadong taxi drivers dahil sa paniningil ng sobra-sobrang pamasahe sa kanilang mga pasahero, iminumungkahi ni 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado ang paglulunsad ng malawakang kampanya laban sa mga ganitong uri ng draybers.

Kasabay nito, pinapurihan ng baguhang kongresista ang Land Transportation Office (LTO) at Department of Transportation (DOTr) sa pangunguna ni Secretary Vince Dizon matapos nilang isagawa ang paghuli sa 11 taxi at TNVS drivers.

Sinabi ni Oducado na ang naging pagkilos ng LTO at DOTr ay alinsunod sa sunod-sunod na reklamo ng ilang pasahero na sinisingil ng sobra-sobra ng ilang abusadong taxi at Transport Network Vehicle Service drivers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Dahil dito, ipinahayag ni Oducado hindi lamang dapat matapos ang nasabing kampanya sa pagkumpiska ng lisenisya ng mga nasabing mapang-abusong drivers. Sa halip ay mas kailangan pang palawakin ang kampanya o sa pamamagitan ng total crackdown.

Umaasa ang mambabatas na hindi maging “ningas kugon” lamang ang kampanya ng LTO at DOTr dahil may mga drivers ang magla-lie low lang sa kanilang masamang gawain at paglipas ng ilang buwan ay balik na naman ang paniningil nila ng labis-labis.

Pinapurihan din ni Oducado si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. dahil sa iniutos nitong direktiba para tugisin ang mga abusadong taxi at TNVS drivers na walang awang ginagatasan ang kanilang mga pasahero.

Sinang-ayunan din ni Oducado na ang paniningil ng mga naturang drivers ay nakakagigil dahil kadalasan ang kanilang ipinapatong ay umaabot ng libo samantalang hindi naman aabot sa ganoong halaga ang normal na pamasahe.