No

Manifesto vs pagbabawas sa pinsalang dulot ng sigarilyo nilagdaan ng 19K katao

Edd Reyes Oct 15, 2025
311 Views

LUMAGDA ang may 19,000 katao sa isang manipesto bilang pagsuporta sa pagbabawas ng pinsalang dulot ng paninigarilyo sa idinaos na Harm Reduction and Nicotine Summit 2025 Miyerkules ng hapon sa EDSA Shangri-La.

Tinalakay sa naturang pagpupulong na dinaluhan ng mga ekperto sa kalusugan at mga tagapagtaguyod pagbabawal sa paghitit ng tobacco mula sa iba’t-ibang organisasyon mula pa sa labas ng bansa ang mga bagong paraan upang mapababa ang bilang ng mga naninigarilyo na lubhang nagdudulot ng pinsala sa buhay ng isang tao.

Kabilang sa mga alternatibong produkto na inirekomenda sa pagpupulog ang paggamit ng e-cigarettes at nicotine pouches na isang paraan ng hindi pagdaraan sa proseso ng pagkasunog ng tabako na pangunahing sanhi ng kanser at iba pang sakit.

Batay sa pag-aaral, mahigit 117,000 Pilipino ang namamatay kada taon dahil sa paninigarilyo sa kabila ng mga kampanya ng pamahalaan na nagbibigay ng paraan para panghinaan ng loob ang mga nahuhumaling sa paghitit ng sigarilyo.

Naniniwala ang mga tagapagsalita at mga ekperto na dumalo sa pagpupulong na dapat pagtuunan ng pamahalaan ang edukasyon sa pagbabawas ng pinsala na nakabatay sa siyensiya upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga Pilipino nang hindi sinasakripisyo ang kanilang karapatang pumili ng alternatibong solusyon.

Umaasa ang mga tagapagtaguyod na sa pamamagitan ng isinagawang pagpupulog, maging inspirasyon at modelo ng Sweden, na halos smoke-free nation para sa mas malusog at konektadong kinabukasan ng mga Pilipino.