Marikina

Marikina magdadagdag ng pulis sa mga eskwela

Arlene Rivera Jun 29, 2026
35 Views

DADAGDAGAN ang mga pulis at Office of Public Safety and Security (OPSS) personnel na ide-deploy sa Marikina para matiyak ang kaligtasan sa mga campus, ayon kay Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro noong Lunes.

“Nitong mga nakaraang araw, personal tayong naglibot sa ilan sa ating malalaking pampublikong paaralan para tingnan ang mga security measures at alamin pa kung ano ang maaari nating idagdag para mas maging ligtas ang ating mga estudyante,” sabi ng mayor.

Nilinaw ng mayor na bago pa ang pamamaril sa Tacloban, may nakaposte ng mga pulis sa paligid ng mga paaralan.

“Bago pa man ang mga balitang lumabas tungkol sa mga insidente sa ibang bahagi ng bansa, may nakatalaga na tayong mga pulis at OPSS sa ating mga paaralan. Pero gusto nating mas palakasin pa ito para mas panatag ang loob ng ating mga magulang,” sabi ni Mayor Maan.

Welcome sa alkalde ang 70 newly hired OPSS personnel na tutulong sa pagpapanatili ng kapayapaan.

“Nakasama rin natin ngayong umaga ang 70 nating bagong OPSS personnel. Welcome sa inyong lahat, at maraming salamat sa pagpili ninyong maglingkod sa ating lungsod,” ayon sa kanya.

“It is our duty and responsibility to ensure learners not only receive good education, but are, most importantly, safe in the confines of their schools. We have 17 elementary public schools and 16 public high schools in the city, with several more private institutions in the city,” paliwanag ng mayor.