Calendar
Pinangunahan nina Marikina City Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro at First District Representative Marcelino “Marcy” Teodoro ang opisyal na pagbubukas ng Balik Eskwela Shoe Bazaar sa Marikina Freedom Park noong Lunes, Mayo 18, 2026. Tampok sa bazaar ang 39 na puwesto na nagbebenta ng sapatos at leather goods mula sa mga miyembro ng Philippine Footwear Federation, Inc. (PFFI) at tatagal ito hanggang Hunyo 21, 2026. Source: Marikina LGU
Marikina Shoe Bazaar nag-aalok ng abot-kaya, de kalidad na sapatos sa mga estudyante

Opisyal nang binuksan ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Marikina ang kanilang Balik Eskwela Shoe Bazaar nitong Lunes, Mayo 18, na nag-aalok ng abot-kaya ngunit dekalidad na sapatos at produktong gawa sa balat para sa mga estudyante, guro, at pamilya bago ang pagbubukas ng klase sa Hunyo, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at gastusin sa pagbabalik-eskwela.
Kilala bilang “Shoe Capital of the Philippines,” matagal nang tanyag ang Marikina City sa industriya ng paggawa ng sapatos, na nagbibigay ng kabuhayan sa libu-libong manggagawa at lokal na manufacturer. Kilala ang lungsod sa buong bansa sa paggawa ng matitibay at dekalidad na handcrafted footwear at leather goods.
Pinangunahan ni Marikina Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang opisyal na pagbubukas ng bazaar kasama si Marikina First District Representative Marcelino “Marcy” Teodoro, mga konsehal ng lungsod, at si Nick Dela Paz, pangulo ng Philippine Footwear Federation Inc. (PFFI).
Ayon kay Mayor Maan, layunin ng inisyatibong ito na matulungan ang mga pamilya na makatipid sa mga pangangailangan sa paaralan habang sinusuportahan ang industriya ng paggawa ng sapatos sa Marikina.
“Pagkakataon po ito para makabili ng sapatos na mura at dekalidad na pang-eskwela para sa ating mga anak. Gusto natin matulungan ang ating mga magsasapatos na makilala at makabenta po ng madami lalo na ngayon magpapasukan, may pangangailangan po talaga sa sapatos na gawang Marikina,” ani niya.
“Sigurado naman po na pag gawang Marikina, mapa-bag, mapa-sapatos, mapa-belt pa yan, siguradong matibay at kinikilala,” dagdag pa niya.
Ayon sa pamahalaang lungsod ng Marikina, bahagi ang bazaar ng kanilang patuloy na pagsisikap na suportahan ang mga lokal na manufacturer ng sapatos at produktong gawa sa balat habang ginagawang mas abot-kaya ang school essentials para sa mga mamimili.
Inorganisa ng Philippine Footwear Federation Inc. (PFFI), tampok sa bazaar ang mga sapatos, bag, at leather goods mula sa 39 na lokal na manufacturer, kabilang ang mga matatag nang negosyo at mga umuusbong na brand.
Hinimok din ni Mayor Maan ang mga residente at bisita na suportahan ang mga manggagawa at gumagawa ng sapatos sa Marikina.
“Sa bawat isang sapatos na inyong bibilhin ay mayroong lima hanggang sampung pamilyang natutulungang manggagawang taga-Marikina,” aniya.
“Marikina City is the Shoe Capital of the Philippines. Ang pagsasapatos ay natatangi dito sa lungsod; nagsimula kaya mahalaga na suportahan natin ang ating mga magsasapatos,” dagdag pa niya.
Ang bazaar sa Marikina Freedom Park ay tatagal hanggang Hunyo 21, 2026. Bukas ito mula alas-9 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi tuwing Lunes hanggang Huwebes, at hanggang alas-8 ng gabi naman tuwing Biyernes hanggang Linggo.
Samantala, sinabi rin ng pamahalaang lungsod na maaaring makakuha ng 10 porsyentong diskwento ang lahat ng empleyado ng gobyerno sa kanilang mga bibilhin sa bazaar.
Bukod sa taunang mga bazaar, pinag-aaralan din ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang iba pang proyekto upang higit pang maisulong ang industriya ng paggawa ng sapatos sa lungsod, kabilang ang pagtatayo ng shoemaking museum, isang one-stop shop para sa mga produktong gawang-Marikina malapit sa city hall, isang mobile roaming shoe truck, at posibleng shoe stalls sa Marikina Town Center.
