Castro1

Matatag ang kalagayan ni Pangulong Marcos, balik-Malacañang matapos ang precautionary medical check-up

144 Views

BUMALIK na sa Malacañang Palace si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos magpalipas ng magdamag sa ilalim ng precautionary medical observation dahil sa nakaranas na hindi magandang pakiramdam.

Ayon sa Malacañang, matatag ang kalagayan ng Pangulo at patuloy niyang ginagampanan ang kanyang mga tungkulin.

“Ayon sa payo ng kanyang mga doktor, nagpalipas ng magdamag ang Pangulo sa ilalim ng medical observation bilang pag-iingat matapos makaranas ng discomfort. Pinayuhan siyang magpahinga at patuloy na mino-monitor ang kanyang kondisyon, na nananatiling stable,” pahayag ng Malacañang nitong Huwebes.

“Habang nasa ilalim ng medical observation, ipinagpatuloy ng Pangulo ang pagtupad sa kanyang mga responsibilidad at siya ay nakabalik na sa Malacañang,” dagdag pa ng pahayag ng Palasyo.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na walang tigil sa pagtatrabaho si Pangulong Marcos hanggang gabi kaya malamang na nakaranas lamang siya ng matinding pagkapagod.

Gayunman, ayon sa doktor, maayos at nasa mabuting kalusugan ang Pangulo at muli na niyang ipagpapatuloy ang kanyang trabaho.

Dagdag pa ni Castro, walang dapat ipag-alala ang publiko at tiniyak niyang ganap na may kakayahan ang Pangulo na gampanan ang kanyang mga tungkulin at magpapatuloy sa kanyang mga naka-iskedyul na aktibidad.

Sa katunayan, muli nang nakikipag-ugnayan ang Pangulo sa mga pangunahing opisyal sa pamamagitan ng sunod-sunod na pribadong pulong at may mga nakatakda pa siyang mga pampublikong aktibidad.

“Ang importante rito at dapat nating maipaalam sa ating mga kababayan na siya po ngayon ay muling nagtatrabaho at nasa Malacañang. Siya ay nasa maayos na kalagayan at mamayang hapon ay magkakaroon pa siya ng dalawang pribadong meetings,” ani Castro sa regular na press briefing ng Palasyo.