Volcano Larawan: PHIVOLCS

Mayon Volcano tuloy ang pagbuga ng lava

24 Views

PATULOY ang effusive eruption ng Mayon Volcano sa ika-187 magkakasunod na araw, ayon sa Department of Science and Technology–Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS).

Sa inilabas na update nitong Sabado, ibinahagi ng PHIVOLCS ang sped-up camera footage at mga larawang kuha mula 4:11 a.m. hanggang 4:40 a.m. ng Hulyo 11, na nagpapakita ng patuloy na pag-agos ng incandescent lava mula sa summit crater ng bulkan.

Ayon sa ahensya, patuloy na nagbubunga ang pagputok ng lava flows, pyroclastic density currents (PDCs) o uson, at rockfalls, na nananatiling banta sa mga komunidad na malapit sa bulkan.

Nananatili ang Alert Level 3 sa Mayon Volcano, na nangangahulugang may umiiral na eruptive unrest at may posibilidad ng karagdagang mapanganib na aktibidad.

Dahil dito, muling iginiit ng PHIVOLCS ang mahigpit na pagbabawal sa pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa panganib na dulot ng lava flows, rockfalls, PDCs, at iba pang volcanic hazards.

Nauna nang iniulat ng PHIVOLCS na nakapagtala ang Mayon ng 7,475 tonelada kada araw na sulfur dioxide (SO₂) emission noong Hulyo 10—ang pinakamataas na naitala ng bulkan sa nakalipas na 16 na taon—na maaaring senyales ng panibagong pag-igting ng aktibidad sa summit crater.

Patuloy namang mahigpit na mino-monitor ng DOST-PHIVOLCS ang kondisyon ng Mayon Volcano at hinihikayat ang publiko na sundin ang lahat ng ipinatutupad na safety advisories at mga babala ng mga awtoridad. Ng Tonight monitoring team