Isko2

Mayor Isko mamamakyaw ng gatas para sa mga bata

Edd Reyes Oct 30, 2025
267 Views

PAPAKYAWIN ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga gatas ng mga dairy farmers upang ipamahagi sa mga batang estudyante s mga daycare centers at pampublikong paaralan sa Maynila.

Sinabi ni Mayor Domagoso inihahanda na niya ang paglulunsad ng “fresh milk feeding program” sa mahigit 100,000 batang nag-aaral sa may 460 nilang daycare centers sa anim na distrito ng lungsod.

Sa kanyang pagsasalita sa harap ng mga dairy farmers, negosyante, at opisyal ng national government, sinabi ni Domagoso na handa ang Maynila na maging regular na customer ng mga sariwang gatas para sa kanilang batang mag-aaral.

Ayon sa alkalde, nirerebisa na ng Manila Health Department at ng City Nutrition Office ang programa na naka-linya sa hangarin niyang “Make Manila Great Again” na nakatuon sa kalusugan ng publiko, pagtiyak ng sapat na pagkain at proteksyon sa lipunan.

Nauna na ibinalik ng alkalde sa lungsod ang pamamahagi ng Ensure pasteurized milk para sa mga senior citizen at nais niyang palawakin ito bilang suportang nutrisyon sa mga batang mag-aaral.

“Instead of acquiring powdered milk, why not fresh milk in Manila?” sabi ni Domagoso.