Lacson Senator Ping Lacson Kuha ni JOSEPH MUEGO

Mga alegasyon ng mga testigo hindi enough, kulang ng ebidensya para madiin si Romualdez

123 Views

KINILALA ni Senador Ping Lacson nitong Lunes sa isang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na hindi sapat ang testimonya ng mga testigo upang idiin si dating Speaker Martin Romualdez, na sa esensiya ay pag-amin na wala pang naitatag na ebidensiya laban sa kanya.

“I repeat hindi ito enough, itong information is not enough to implicate not even implicate the former Speaker. This is just, we may just consider this as a lead kasi mayroong connection but of course, dineny naman ni Curlee Discaya so let’s leave it at that,” pahayag ni Lacson sa pagdinig.

Sa naunang proceedings, itinanggi ng kontratistang si Curlee Discaya ang mga paratang laban sa kanya at sinabi sa Senado: “Hindi pa kami nakakapasok sa South Forbes Park. Hindi namin alam kung ano itsura ng mga bahay diyan.”

Ang mga pahayag ay ginawa matapos ang testimonya ng dalawang testigo na inilarawan bilang mga tauhan ng dating nangungupahan ng isang ari-arian sa South Forbes Park, na nagsabing nagpakilala umano si Discaya bilang kontratista, binanggit si Romualdez bilang bumibili, at umano’y humiling na lisanin ng mga nakatira ang nasabing lugar.

Sa kasalukuyan, wala pang naiharap sa komite na deed of sale, kontrata o tala ng bayad na nagngangalang Romualdez. Ipinapakita rin ng mga rekord na si Romualdez ay hindi nangungupahan, hindi may-ari at hindi bahagi ng alinmang transaksyon na may kaugnayan sa ari-arian.

Nag-ugat ang imbestigasyon ng Senado sa isang alitang may kinalaman sa hindi pag-renew ng isang kontrata sa pag-upa.

Ang mga pahayag ni Lacson ay pormal na nagre-record na ang impormasyong ibinigay ng mga testigo ay hindi umabot sa antas upang idiin ang dating Speaker, lalo na sa harap ng sinumpaang pagtanggi ni Discaya.