Calendar
Pinangunahan ni Tingog Partylist Rep. Yedda Romualdez ang pamamahagi ng ayuda sa ODELCO Covered Court, San Bartolome, Novaliches, Lungsod Quezon.
Photo courtesy: Tingog Partylist Communications Team
Mga biktima ng baha agad inayudahan ng Tingog, lider ng Kamara


Photo courtesy: Tingog Partylist Communications Team
SA gitna ng malawakang pagbaha at paglikas ng mga residente dulot ng Severe Tropical Storm Crising at ng pinaigting na habagat, agad na nagsagawa ng relief operations ang Tingog Partylist, sa pakikipagtulungan sa Tanggapan ni Kinatawan Martin Romualdez ng Unang Distrito ng Leyte, upang tumulong sa mga apektadong komunidad sa Kalakhang Maynila.
Ang relief operation ay pinangunahan nina Tingog Partylist Yedda Marie K. Romualdez at Karla Estrada, Director for Community Engagement.
Namahagi sila ng relief packs na naglalaman ng bigas, tubig, pagkain, at kumot sa 925 pamilyang naapektuhan (o katumbas ng 2,490 indibidwal) mula sa Barangay Sta. Lucia at San Bartolome sa Novaliches, Lungsod Quezon. Ang inisyatibong ito ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan kay Kinatawan PM Vargas ng Ikalimang Distrito ng Quezon City.
“Gusto naming iparamdam sa ating mga kababayang apektado na hindi sila nag-iisa. Sa ganitong panahon ng pagsubok, kailangang magsama ang aksyong pamahalaan at aksyong sibiko,” ayon kay Rep. Yedda Romualdez. “Patuloy ang layunin ng Tingog na makinig, tumugon, at maglingkod saan man kami kinakailangan.”
“Patuloy kaming makikinig. Patuloy kaming maglilingkod. Anumang panahon, naroroon ang Tingog,” pagtatapos ni Rep. Yedda Romualdez.
Ang sunod-sunod na relief operations ay patunay sa patuloy na pagtupad ng Tingog Partylist sa kanilang adhikain ng agarang pagtugon sa mga sakuna at pagpapaunlad ng kapakanan ng mamamayan sa buong bansa—alinsunod sa kanilang lehislatibo at makataong agenda.
“Ang pagkakaisa at malasakit ang pinakamalakas nating sandata sa panahon ng sakuna,” sabi naman ni Rep. Martin Romualdez ng Unang Distrito ng Leyte.
“Bilang mga lingkod-bayan, tungkulin naming tulungan ang ating mga kababayan na makaahon sa anumang kalamidad sa pamamagitan ng maagap at organisadong pagkilos.”
Noong Hulyo 21, 2025, nagsagawa rin ng feeding program ang mga volunteer ng Tingog para sa mga pamilyang lumikas mula sa pagbaha sa Malanday, Lungsod ng Marikina, kung saan mahigit 4,000 residente ang iniulat na pansamantalang nanuluyan sa mga evacuation center. Nagpaabot din ng food assistance ang grupo sa mga biktima ng sunog at baha sa Nagtahan, Maynila sa parehong araw.
Binigyang-diin naman ni Rep. Jude Acidre ng Tingog ang kahalagahan ng kahandaan at mabilis na aksyon:
“Bawat bagyo ay may dalang hindi lang pinsala sa ari-arian, kundi pati sa emosyon at kabuhayan. Bahagi ng tungkulin namin ang maghatid hindi lang ng tulong, kundi ng katiyakang naririyan ang gobyerno at nakikinig.”
Nagpasalamat naman si Rep. PM Vargas sa naging pagtutulungan sa Quezon City:“Malaki ang pasasalamat namin sa Tingog Partylist, lalo na kay Cong. Yedda Romualdez, dahil hindi niya kami nakakalimutan. Mula pa noong panahon ng COVID-19, nakiisa na sila sa amin, namigay ng anti-pneumococcal at flu vaccines, at si Cong. Yedda mismo ang nagturok sa ilan sa ating mga kababayan. Simula noon hanggang ngayon, patuloy ang kanilang mabilis na pagtugon at walang sawang pagsuporta dito sa 5th District ng Quezon City.”
Ayon sa 4 a.m. weather bulletin ng PAGASA, inaasahang maaapektuhan ng Tropical Depression Dante ang ilang bahagi ng bansa sa mga susunod na araw. Dahil dito, nananawagan ang Tingog Partylist sa publiko na maging mapagmatyag at sumunod sa mga opisyal na abiso.

