Calendar
Mga estudyanteng mahuhuling may dalang armas, sangkot sa rumble, at bully, talsik sa pampublikong paaralan sa Maynila
AATASAN ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang Sangguniang Panlungsod na magpasa ng ordinansang magpapataw ng parusa sa mga estudyanteng mahuhuling nagdadala ng ano mang uri ng nakamamatay na armas sa loob ng paaralan.
Sa ginanap ng Kapihan ng Samahang Plaridel sa La Casa Restaurant sa Rizal Park Hotel, sinabi ni Mayor Isko na sa ilalim ng ipapasang ordinansa, palalayasin ng tuluyan sa pinapasukang pampublikong paaralan ang sinumang estudyanteng mahuhuling may dala na anumang uri ng nakamamatay na armas.
Bukod dito, ang sinumang estudyante aniya na masasangkot sa riot o rumble sa labas ng paaralan kahit pa nga hindi na oras ng kanyang klase at opisyal na dokumentado sa blotter ng pulis o barangay ay patatalsikin na rin sa pnapasukang pampublikong paaralan, gayundin ang mga mapapatunayang nambu-bully sa kanyang mga kamag-aral.
Sinabi ng alkalde na hindi na papayagan ang mga ito a makapasok alinman sa 105 na pampublikong paaralan na pinatatakbo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at Department of Education (DepEd) at maging sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at sa Universidad De Manila.
Nilinaw ng alkalde na puwede pa namang mag-aral ang mga mapapatalsik na estudyante pero doon aniya sila mag-enroll sa mga paaralan na nasa labas ng Maynila o kaya ay sa pribadong paaralan
“While I believe that it is the right of every citizen na makapag-aral, pero yung karapatang yaon, ay may nakaatang din namang responsibilidad bilang mamamayan, whether you’re a minor o sakto na sa gulang. Kaya kailangan tayo’y maging responsable sa ating sarili, sa pamayanan at sa komunidad na ating kinabibilangan,” paliwanag ng alkalde.

