BBM-SARA tandem Nagpapasalamat sina UniTeam presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at nangungunang Lakas-CMD vice presidential running mate niya na Davao City Mayor Sara Duterte kina Tarlac 2nd District Rep. Victor Yap (kanan) dahil sa pagdeklara ng buong suporta nito sa BBM-SARA tandem at senatorial slate sa ginanap na Meet and Greet program sa iba’t ibang mayor at opisyal ng Tarlac sa Tarlac Multipurpose center.Kasama nila si Tarlac Governor Susan Yap (kaliwa). Kuha ni VER NOVENO

Mga lider ng NPC sa Tarlac sumama na sa BBM-Sara UniTeam

303 Views
Mga lider ng NPC
Winawagyway ni nangungunang presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.(4th left) at senatorial aspirant Gibo Teodoro (4th right) ang bandila ng Pilipinas sa grand proclamation rally na ginanap sa Paniqui Public Auditorium sa Paniqui, Tarlac. Inendorso nina Rep. Victor Yap (2nd left) at Governor Susan Yap (5th left) ang BBM-SARA tandem at ang kanilang senatorial slate na kasama sina Larry Gadon (left), Rodante Marcoleta (right) at Jinggoy Estrada (3rd right). Kuha ni VER NOVENO

Sumama na ang mga opisyal ng Nationalist People’s Coalition (NPC) sa Tarlac sa UniTeam nina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte.

Ang pag-endorso ng mga lokal na opisyal ng NPC ay ginawa sa meet-and-greet na inorganisa nina Tarlac Gov. Susan Yap at kapatid nitong si Rep. Victor Yap sa Diwa multi-purpose center sa Tarlac City.

Ang magkapatid na Yap ay tumatayong provincial leaders ng NPC, ang partido na itinayo ng namayapang business tycoon na si Eduardo Cojuangco Jr.

Ayon kay Rep. Yap siya ay naatasan na magsalita upang ibigay ang suporta ng lalawigan sa Marcos-Duterte tandem.

“Ako po ay naatasan na magsalita ng isang commitment ng partido, ng NPC sa aming lalawigan. Si governor kinausap lahat ng mga miyembro ng (NPC) Tarlac, pati ang mga pamilyang kinikilala natin dito tulad ng mga Cojuangco. Kinausap din niya ang mga leader ng partido upang ibigay ang laya na tayo ay sumunod na dito sa (BBM-Sara) tandem,” sabi ni Rep. Yap.

Upang malinawan ang pahayag, si Rep. Yap ay tinanong ng mamamahayag kung sinusuportahan nito ang UniTeam tandem.

Ang sagot ni Rep. Yap: “Yes we the provincial NPC and those others (affiliated or not) support the BBM-Sara tandem.”

Ang NPC ay pinamumunuan ngayon ni Senate President Tito Sotto III na tumatakbo rin sa pagkabise presidente.

Ayon kay Rep. Yap naniniwala ito sa kakayanan ni Marcos na pamunuan ang bansa at sa kanyang mga adbokasiya upang maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino.

Samantala, nagpasalamat naman ni Gov. Yap. Kay Mayor Duterte at sa ama nitong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tumulong sa probinsya na kilalang balwarte ng oposisyon.

“Gusto ko muna magpasalamat sa kanya (Mayor Sara) at sa kanyang ama dahil po tayo sa Tarlac, hindi po nila pinabayaan, marami po tayong mga building projects under the Build, Build Build (program). I feel the warmth of this administration and it is my responsibility to really campaign hard for her, no other than ang aking minamahal at nakilala ko Mayor Sara Duterte,” sabi Gov. Yap.

Libu-libong residente ang pumunta sa Tarlac City, bayan ng Capas at Paniqui upang ipakita ang kanilang suporta sa UniTeam.

Sumama ang magkapatid na Yap kay Marcos sa campaign rally sa Paniqui.